Isang pasaherong Malaysian ang pinigilan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang tangkaing ipalusot ang 1.1 milyong Philippine currency.
Kararating lamang ni Gan Kang Hsiung, 32, mula sa Kota Kinabalu kasama ang dalawang kaibigan nito noong Biyernes ng gabi, lulan ng AirAsia Flight Z2-502 nang harangin siya sa Customs area.
Ayon kay Port of NAIA District Collector Mimel Talusan, napansin ng on-duty Customs examiner na hindi mapakali si Gan habang papalabas ng Customs.
Nagduda ang examiner sa mga ikinikilos ni Gan kaya bago ito lumabas sa Customs area ay inatasan siya na dalhin ang kanyang checked-in luggage sa examination lane.
Agad tinulungan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) ang examiner para alamin ang nilalaman ng bagahe. Lumantad ang tig-P1,000 at 500 peso bills na umabot sa halagang P1.1 milyon.
Mahigpit na ipinagbabawal ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang importation at exportation ng Philippine currency alinsunod sa ilalim ng BSP Advisory on Cross-Border Transfer of Local and Foreign Currencies.
Pinahihintulutan lamang na magdala ng pera ang pasahero na hindi lalampas sa P50,000 cash.