Kulong ang 43-anyos na company driver matapos umanong pagsamantalahan ang anak ng kanyang kinakasama sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao ang suspek na si Roland Bacsan, na naaresto ng mga tauhan ng Malabon Police Community Precinct 3 makaraang matuklasan ng ina ng biktimang itinago sa pangalang ‘Anna’ ang ginagawang panghahalay ng ka-live-in sa kanyang anak na ngayon ay 13-anyos na at Grade 8.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Diana Palmones, taong 2018 nang magsimula ang kalbaryo ng biktima sa kamay ng amain matapos umano itong sapilitang pagsamantalahan ng suspek habang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Bgy. Longos, at tinakot umanong papatayin kapag nagsumbong kaninuman. Pebrero 20 ng kasalukuyang taon nang muling halayin ng suspek ang biktima sa loob din ng kanilang tirahan habang wala ang ina ng dalagita.
Alas-10:00 kamakalawa ng umaga, muling naulit ang panghahalay kaya nagsumbong na ang dalagita sa kanyang ina na naging dahilan upang humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip kay Bacsan.
Ani Col. Tamayao, tatlong bilang ng kasong rape ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa piskalya ng Malabon City.
**** RAPIST NG 11-YRS. OLD, NANLABAN SA PULIS, PATAY
Patay ang umano’y nanggahasa sa 11-anyos na babae matapos makaengkuwentro ang mga awtoridad sa Purok Mulawin, Bgy. Isabang, Lucena City, Quezon.
Pinuntahan ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng suspek na si Michael Zafranco alyas Zailo, 26, baker, upang arestuhin kaugnay sa panggagahasa sa biktimang si alyas Angie.
Batay sa salaysay ng biktima, pasado alas-5:00 ng hapon, naglalaro siya sa tabi ng ilog kung saan agad siyang hinatak ng suspek at dinala sa madamong lugar saka hinalay.
Binigyan umano siya ng P20 saka nagbanta pa itong huwag magsusumbong kaninuman kundi ay papatayin siya nito.
Agad namang ipinaalam sa kinauukulan ang insidente. Gayunman, papalapit pa lamang sila nang bumunot ng baril ang suspek saka pinaputukan ang mga awtoridad.
Nagkaroon ng palitan ng putok hanggang sa tuluyang bumulagta ang suspek na napag-alamang isa ring tulak ng droga. (Levi Gonzales)