Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na dalawa na ang namatay sa bansa na kumpirmadong may virus.
Ang unang namatay ay ang ikalawang COVID patient na isang Chinese national, habang ang ikalawa ang 67-anyos na babaeng pasyente na naka-confine sa Manila Doctors Hospital. Ang pasyenteng ito ay may diabetes at hypertension.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, lumalabas sa kanilang datos na ang mga nakatatanda at mga may medical condition ang vulnerable sa COVID-19.
Samantala, umakyat na sa 52 ang bilang ng positibo sa COVID-19 sa bansa.
Ito ay matapos kumpirmahin ng DOH na may tatlong bagong kaso ng COVID-19.
Kaugnay nito, patuloy ang apela ng DOH sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad lalo na sa mga ginagawang contact tracing.
Ang mga indibidwal na may travel history o exposure sa COVID positive patient at nakaramdam ng sintomas ng virus tulad ng ubo, sipon at lagnat ay agad mag-isolate o mag-home quarantine sa loob ng 14 na araw.