Sugatan ang tatlong mag-iina habang arestado naman at dinala sa National Center for Mental Health (NCMH) ng mga tauhan ng barangay ang kanilang padre de pamilya matapos pagsasaksakin ang kanyang misis at dalawang anak kahapon mg madaling-araw sa Tondo, Manila.
Ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang mag-iinang sina Rachel Guevarra, 35, at mga anak nitong babae na nasa edad 12 at 8, sanhi ng mga tama ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Habang arestado naman ang suspek na si Paulo Guevarra, 41.
Batay sa imbestigasyon ng MPD-Police Station 1, ala-1:55 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa bahay ng mag-anak.
Sa kabila na may tama ng saksak, nagawa ni Rachel na makasigaw at makahingi ng tulong kaya nakapagresponde agad ang barangay.
Habang alas-6:45 ng umaga nang makarating sa himpilan ng pulisya ang insidente.
Una umanong isinugod ang mag-iina sa Tondo Medical Center pero, kalaunan ay inilipat sa JRMMC.
Nabatid kay Loretta Guevarra, kapatid ng suspek na dumaranas umano ng depresyon ang kanyang kapatid at dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) ay hindi na nila ito napasuri sa doktor dahilan para mas lalong lumala ang sakit nito sa pag-iisip.
Posibleng ang dinaranas na depresyon ang nagtulak sa suspek para pagsasaksakin ang kanyang mag-iina.