Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong lalaki sa Cebu na sumuko matapos na paratangang nagbanta kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng kanilang social media accounts.
Itinanggi ng guwardiyang si Dether Pajartine Japal, 31, ng Lapu-Lapu City, Cebu na nag-post ito kamakailan ng pagbabanta kay Pangulong Duterte at wala rin umano siyang iniaalok na pabuya.
Hindi aniya siya ang naglagay sa kanyang Facebook post ng P20,000 pabuya para sa makapapatay sa Presidente na kumakalat ngayon online.
Sa Cebu City naman, humarap din sa NBI ang dalawang barangay tanod na iniimbestigahan hinggil sa kanilang social media post na binabantaan umano si Pangulong Duterte.
Sa viral na larawan, makikitang may hawak pang mga armas sina Alvin Cabigon at Rendel Fajardo.
Pero ayon kay Cabigon, edited ang kumakalat na larawan at iba ito sa orihinal niyang post.
Sinisiyasat na ng NBI Region VII kung posibleng makasuhan ang tatlong sumuko.