Huli ang dalawang babaeng pulis na nag-iinuman sa labas ng bahay sa kabila ng umiiral na liquor ban sa Taguig City, kahapon ng madaling-araw.
Sa paglabag sa Section 5555 Revised Ordinance o drinking liquor in public place, (in relation to RA 11332 (modified enhanced community quarantine), nahaharap din sa reklamong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Disobedience and Resistance to an Agent of a Person of Authority) in relation to RA 11332 (MECQ) at Article 155 (Alarms and Scandal) ang dalawang pulis na sina P/Corporal Jocelyn Posadas Y Aqim, 32, nakatalaga sa Regional Mobile Force battalion (RMFB), pansamantalang tumutuloy sa 9FC Barracks, Camp Bagong Diwa, Taguig City at P/Cpl. Juliet Naboye y Datung, nakatalaga sa Manila Police District (MPD) ng Fernandez St., Bgy. Central Bicutan, Taguig City.
Base sa ulat ng Taguig Police Community Precinct (PCP-2), rumesponde sa tawag ang dalawang tauhan ng PCP-2 sa reklamong pag-iinuman sa pampublikong lugar ng dalawa sa Fernandez St., alas 12:30 ng hatinggabi.
Nadatnan pa ng mga pulis ang nag-iiuman at sinabihan sila na labag sa batas ang ginagawa pero, pumalag pa umano ang dalawa na nauwi sa hindi maganda.
Marahil sa dami ng nainom ay nagsalita pa umano si Cpl. Naboye na, “walang pulis pulis sa amin!
"You cannot arrest me over my dead body!” kaya sapilitang binitbit ang dalawa na natuklasang mga kabaro din pala nila.