ni Lolet Abania | November 24, 2021
Sinimulan na ng gobyerno ang distribusyon ng P1-bilyon pondo para sa fuel subsidies ng mga drayber ng public utility jeepney (PUJ) na nagkakahalaga ng P7,200 upang makatulong sa kanilang problemang pinansiyal dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“According to Landbank, as of yesterday, they were able to credit the amount of P7,200 to 78,000 beneficiaries,” ani Land Transportation Franchising and Regulatory Board National Capital Region (LTFRB-NCR) director na si Zona Tamayo sa virtual launching ng Fuel Subsidy Program ngayong Miyerkules.
Noong nakaraang buwan, inaprubahan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang paglalabas ng pondo na P1 bilyon sa LTFRB para sa cash grants ng mga public utility vehicle (PUV) drivers.
Nilinaw naman kalaunan ng LTFRB na ang fuel subsidy ay para lamang sa mga PUJ drivers dahil ang sektor na ito ang may pinakamalaking porsiyento ng public transport coverage.
Ayon kay Tamayo, iyong mayroon nang Pantawid Pasada Program cards, ang kailangan na lamang ay i-check ang kanilang account balance sa alinmang Landbank ATMs upang malaman kung ang naturang fuel subsidy ay pumasok na sa kanilang accounts.
Para naman sa mga benepisyaryo na wala pang fuel cards, sinabi ni Tamayo na kailangan nilang makipag-ugnayan sa kanilang LTFRB regional offices upang maiskedyul ang printing ng kanilang mga cards.
“Para malaman ang schedule kung kailan sila pupunta sa designated Landbank branch nila to get their cards,” sabi ni Tamayo. Ayon sa LTFRB, mahigit sa 136,000 valid franchise holders ng PUJs sa buong bansa ang mabebenepisyuhan mula sa Pantawid Pasada Fuel Program.
Bawat recipient ay makakatanggap ng isang one-time Pantawid Fuel card na nagkakahalaga ng P7,200 bilang fuel subsidy para sa taong ito.
Sinabi rin ng ahensiya na ang Pantawid Pasada Fuel card ay valid para sa mga fuel purchases lamang at mga nakiisang petroleum retail outlets o gasoline stations kung saan mayroong “Pantawid Pasada Card Accepted Here” signages.
Paliwanag naman ng LTFRB na anumang paglabag sa paggamit ng card, gaya ng pagbili ng ibang produkto maliban sa fuel na ginagamit ang card ay awtomatikong madi-disqualify ang card owner mula sa Pantawid Pasada Fuel Program at benepisyo nito.
Unang ipinatupad ang programa noong 2018 at 2019 bilang pagsunod sa mga probisyon ng R.A. No. 10963, o kilala rin sa tawag na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.