ni Mabel Vieron - OJT | February 25, 2023
Problemado pa rin ang mga operator ng mga pampasaherong sasakyan sa palugit na hanggang Hunyo 30, ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang makasali sa kooperatiba bilang pagsunod sa modernization program ng pamahalaan.
Ayon kay Manibela National President, Mar Valbuena, maraming requirements at malaking gastos ang kakailanganin kaya hindi dapat ito ura-urada.
Sa pagtataya ni Valbuena, nasa 25,000 hanggang 30,000 jeep at 4,000 UV Express ang matatanggal sa Metro Manila kung masusunod ang deadline ng LTFRB.
Iginiit naman ng grupong PISTON na hindi pa rin kakayanin ang modernisasyon kahit pa ginawang Hunyo 30 ang deadline nito.
Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, hindi biro ang mag-modernize ng jeep, lalo na’t hindi naman kayang bumili ng mga tsuper at operator ng unit ng modern jeep.
Hindi rin maaaring magkautang sa bangko, dahil kailangang bumuo muna ng mga kooperatiba, na para sa kanila ay pagmomonopolyo lang sa hanay ng public transport.
Ani Floranda, imbes na isulong ang modernisasyon, mas maiging ayusin muna ang mga traditional jeep katulad ng dati nang ginagawa.