top of page
Search

ni Jeff Tumbado | April 21, 2023



Atty. Gerome Tubig

Papayagan ng Land Transportation Office (LTO) na magamit bilang pansamantalang driver’s license ang Official Receipt (OR) o ang resibo na ibinibigay kapag kumukuha ng lisensya ng pagmamaneho.


Ang hakbang na ito ng LTO ay sa harap ng inaasahang kakulangan ng suplay ng plastic card na ginagamit sa paggawa ng driver's license.


Sa ilalim ng Memorandum na ipinalabas ng LTO, inaatasan ang mga regional at district office na sakaling maubos na ang suplay ng plastic card para sa driver's license ay gagamitin muna ang Official Receipt bilang “Temporary Driver’s License”.


Ang OR ay kailangang may kumpletong detalye, unique na QR code, at may mga screenshot ng harap at likod ng driver’s license card.


Inaatasan din ang mga regional director ng LTO na magkaroon ng re-allocation ng suplay ng plastic card sa kanilang mga nasasakupan kung kinakailangan.


Batay sa pinakahuling datos ng LTO, nasa 147,522 na lamang ang plastic cards na magagamit sa pag-iimprenta ng driver’s license na posibleng abutin na lang ng katapusan ng kasalukuyang buwan.


“Kaya po agad na rin pong gumawa ng hakbang ang LTO para matugunan ang inaasahang kakapusan na ito. Nakipagpulong na rin ang LTO sa mga law enforcer tulad ng PNP Highway Patrol Group upang maipabatid sa kanila na kung manghuhuli ng mga lumalabag sa batas-trapiko ay tanggapin na rin kung OR lamang ang ipapakita ng motorista,” ayon kay LTO Chief Tugade.


Mananatili ang panuntunan na ito hangga’t hindi nakakapag-imprenta ng plastic na driver’s license card.


Sa ngayon, hinihintay pa ng LTO na matapos ang proseso ng procurement ng plastic cards na pinangangasiwaan ng Department of Transportation (DOTr).


 
 

ni V. Reyes | March 12, 2023




Nakatakdang maglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng pamantayan ng presyo ng enrollment fees sa driving schools ngayong buwan sa gitna ng mga reklamo na malaki ang gastusin sa pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho.


Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Arturo Jay Art Tugade, posibleng mangalahati na lang ang halaga ng driving school fees.


“A few days ago nag-meeting kami noong committee na finorm natin at mayroon na silang na-prepare na reasonable standard rate fees that I plan to rollout dito sa mga driving schools,” ayon kay Tugade.


“Iyong fee po na iyon, doon sa mga nanonood naman na mga driving schools, we don’t intend to fix the fee pero we will impose a ceiling on the fees that the driving schools will be able to charge,” dagdag nito.


Kasabay nito ay naninindigan si Tugade na maituturing na anti-poor ang kanilang itatakdang standard na enrollment rates ng driving schools.


“Pero hindi po matatapos iyong month of March, magkakaroon na po iyan ng order from our office. At before the end of March, malaki po ang ginhawa at tulong na sana ang maibigay po ng LTO doon sa mga student driver applicants natin,” ayon pa sa opisyal.


Sa ngayon ay nasa P100 ang application fee ng student permit at karagdagang P150 para sa mismong student permit fee.


Kung nais naman na makakuha ng non-professional license ay nasa P100 ang processing fee at P585 para sa mismong lisensya.


“Iyong cost po na iyon ay napupunta po sa LTO pero it’s really to also shoulder the cost of the plastic cards, pati na rin po iyong administrative expense na kasama doon sa pag-issue noong driver’s license,” paliwanag ni Tugade.


 
 

ni Jeff Tumbado | March 2, 2023




Muling pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng mga tradisyunal na jeep hanggang Disyembre 31 ng kasalukuyang taon mula sa huling itinakda na Hunyo 30.


Inihayag ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na maglalabas sila ng bagong memorandum circular sa mga susunod na araw hinggil sa nasabing desisyon.


“We are coming out with a new memorandum circular extending the deadline to December 31, 2023,” pagdedeklara ni Guadiz.


Ang pahayag ay kasunod na rin ng banta ng ilang transport groups hinggil sa isang linggong transport holiday simula sa Marso 6 hanggang 12.


“To be honest there is no pressure for us for this strike because more than 90% of the transport groups have signified their support to the program of the LTFRB,”ani Guadiz.


“[I]n deference to the Senate resolution of Senator Grace Poe and to the request of the secretary of the Department of Transportation, we will be extending the deadline to allow the transport sector more time to consolidate,” dagdag nito.


Nauna na ring ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umaasa itong hindi matutuloy ang isang linggong transport holiday.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page