ni Lolet Abania | October 24, 2021
Ipinahayag ng Land Transportation Office (LTO) na marami silang na-penalized na mga public transport vehicles dahil sa nabigong sumunod ang mga drivers sa ipinatutupad na 50% passenger capacity sa kanilang sasakyan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“Marami kaming nahuli, overloading ang charge namin niyan kasi 50% lang ang pinapayagan,” ani Land Transportation Office deputy director for law enforcement na si Roberto Valera sa isang interview ngayong Linggo.
Pinag-iisipan naman ng Department of Transportation (DOTr) na magdagdag ng mga passenger capacity sa mga public utility vehicles (PUVs).
Subalit anila, ikokonsulta muna nila ito sa mga eksperto upang matulungan sila sa kanilang panukala. Patungkol naman sa plano ng LTO hinggil sa mga colorum na mga sasakyan na may tinted windows, ayon kay Valera, mag-iisyu sila ng guidelines tungkol dito subalit hindi na nagbigay pa ng ibang detalye.
“’Yung tinted kasi mayroon na kaming ano, may EO na kami nagawa niyan. For signature na po,” sabi ni Valera.
Sinabi pa ni Valera na nakapagsagawa na rin sila ng drug testing sa mahigit 8,000 public transport drivers sa Metro Manila upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa naturang bilang, 100 ang nagpositibo sa test at dinala na ang mga ito sa mga rehabilitation centers para na rin maiwasan ang aksidente.