top of page
Search

ni V. Reyes | March 12, 2023




Nakatakdang maglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng pamantayan ng presyo ng enrollment fees sa driving schools ngayong buwan sa gitna ng mga reklamo na malaki ang gastusin sa pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho.


Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Arturo Jay Art Tugade, posibleng mangalahati na lang ang halaga ng driving school fees.


“A few days ago nag-meeting kami noong committee na finorm natin at mayroon na silang na-prepare na reasonable standard rate fees that I plan to rollout dito sa mga driving schools,” ayon kay Tugade.


“Iyong fee po na iyon, doon sa mga nanonood naman na mga driving schools, we don’t intend to fix the fee pero we will impose a ceiling on the fees that the driving schools will be able to charge,” dagdag nito.


Kasabay nito ay naninindigan si Tugade na maituturing na anti-poor ang kanilang itatakdang standard na enrollment rates ng driving schools.


“Pero hindi po matatapos iyong month of March, magkakaroon na po iyan ng order from our office. At before the end of March, malaki po ang ginhawa at tulong na sana ang maibigay po ng LTO doon sa mga student driver applicants natin,” ayon pa sa opisyal.


Sa ngayon ay nasa P100 ang application fee ng student permit at karagdagang P150 para sa mismong student permit fee.


Kung nais naman na makakuha ng non-professional license ay nasa P100 ang processing fee at P585 para sa mismong lisensya.


“Iyong cost po na iyon ay napupunta po sa LTO pero it’s really to also shoulder the cost of the plastic cards, pati na rin po iyong administrative expense na kasama doon sa pag-issue noong driver’s license,” paliwanag ni Tugade.


 
 

ni Jeff Tumbado | January 31, 2023



Target ng Land Transportation Office (LTO) na gawing automated o digital na ang paniniket ng lahat ng law enforcers nito sa buong bansa simula sa susunod na linggo.


Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos, na ipatupad ang digitalization sa ahensya.


Ayon kay LTO Chief Assistant Sec. Jay Art Tugade, ipamamahagi na sa mga law enforcer ng ahensya ang Law Enforcement Handheld Mobile Device na gagamitin para sa pagbibigay ng electronic Temporary Operators’ Permit (e-TOP).


Ibig sabihin, hindi na gagamit ng manual na TOP na karaniwang ibinibigay sa mga indibidwal na may paglabag sa batas-trapiko.


Dagdag ng LTO Chief, ang mga paglabag sa batastrapiko na ipapasok sa mga handheld device ay hindi na maaaring baguhin pa.


Sa pamamagitan ng digital na paniniket, maiiwasan din umano ang kotong.


Sakali namang maisapinal na ng LTO ang cashless payment feature ng mga law enforcement handheld mobile device, pupuwede nang makapagbayad ng multa gamit

ang credit card o load wallets ang mga may traffic violation.


Ang mga law enforcement handheld mobile device ay mayroong camera at fingerprint scanner para magamit ng mga LTO traffic enforcer sa pagberipika kung peke o totoo ang ipiniprisintang driver’s license.


Maaari rin nilang gamitin ang camera bilang face recognition scannerMayroon ding dalawang mobile data SIM cards ang nasabing aparato upang magkaroon ng internet connectivity at makapagpadala ng datos sa LTO online system.


Gayunman, kahit walang mobile connectivity o offline, makakapagbigay pa rin ito ng

traffic violation ticket.


 
 

ni Lolet Abania | June 6, 2022



Nag-isyu na ang Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ngayong Lunes ng umaga ng isang show cause order laban sa driver ng SUV na sangkot sa hit-and-run ng isang guwardiya ng mall sa Mandaluyong City na naganap nitong Linggo ng hapon.


Ito ang kinumpirma ni LTO-NCR Regional Director Atty. Clarence Guinto sa isang radio interview, kung saan aniya, naitakda ang hearing sa Martes, Hunyo 7.


“We scheduled the hearing this week and hopefully the driver and the owner would appear in the hearing. We are, of course, observing due process, ‘yung notice of hearing,” sabi ni Guinto.


Nagpapagaling naman ang biktimang security guard na si Christian Joseph Floralde sa ospital sa Mandaluyong matapos na ma-hit and run ng isang SUV habang nagdi-direct ito ng trapiko.


Unang sinabi ng Mandaluyong Police na isang White Toyota RAV 4 na may plate number NCO 3781 ang sangkot sa insidente ng hit-and-run, na naganap bandang alas-4:00 ng hapon nitong Linggo sa intersection ng Julio Vargas Avenue at St. Francis St. sa Mandaluyong, at subject para sa validation ng LTO.


Hindi naman pinangalanan ni Guinto ang suspek na driver ng SUV dahil aniya sa Data Privacy Law, subalit sinabi niyang isa itong Pilipino. Gayundin, dinedetermina pa ng LTO kung ang driver ay siya ring may-ari ng sasakyan.


Pinasalamatan naman ni Guinto, ang mga netizens na nag-upload ng video ng naturang insidente. Ayon kay Guinto, ang pinakamataas na penalty na maaaring maibigay ng LTO laban sa suspek na driver ay revocation ng driver’s license nito.


“May isang high resolution video cam na na-identify ‘yung plate number so we were able to get the details in our system ng kung sino ang may-ari ng motor vehicle na ‘yun,” sabi ni Guinto.


Ayon naman kay Mandaluyong Police chief Col. Gauvin Unos, ang driver ng SUV na bumundol at sumagasa pa sa guwardiya ng mall, kung saan nakuhanan din ng video ang insidente at nag-viral sa social media ay posibleng sampahan umano ng kasong frustrated murder.


Samantala, sinabi ng partner ni Floralde na si Arceli Flores, nahihirapan umano ang biktima na huminga dahil sa tinamong pinsala sa gitnang bahagi ng kanyang katawan.

Kasalukuyang binigyan ang biktima ng oxygen support, habang nagtamo rin ng mga sugat sa kanyang ulo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page