top of page
Search

ni Jeff Tumbado | May 9, 2023




Nakatakdang ilunsad ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang online o electronic na bersyon ng driver's license sa bansa.


Bilang pagsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na ipatupad ang digitalization sa mga ahensya ng gobyerno.


Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, ang digital driver's license ang magsisilbing alternatibo sa pisikal na license card at maaari itong ma-access o makita sa isang "super app" na nilikha ng DICT.


"We also appreciate the way the super app functions similarly to a wallet, containing all government IDs, among other things, within your mobile device," dagdag pa nito.


Ipinunto pa ni Tugade na may mapagpipilian na rin ang publiko mula sa paggamit ng papel na Official Receipt (OR) bilang pansamantalang driver's license sa gitna ng kinakapos nang suplay ng plastic cards.


Maliban sa digital na driver's license, sinabi ng LTO Chief na maaaring magamit ng publiko ang "super app" para sa iba't ibang transaksyon sa ahensya tulad ng license registration at renewal gayundin ang online payments.


Kaugnay naman ng usapin ng seguridad, nabatid mula kay Tugade na ang ginagamit na security features ng pisikal na driver's license ay kasama na rin sa digital na bersyon nito, maliban pa sa sariling security measures ng "super app".


Noong Marso ay pormal na pumasok ang LTO at DICT sa isang e-governance partnership na layong magkaroon ng pagtutulungan tungo sa pagpapabuti at pagpapalakas ng digitalization ng mga sistema at proseso sa ahensya para sa pangkalahatang kahusayan at epektibong serbisyo sa publiko.


 
 

ni Jeff Tumbado | May 5, 2023




Aktibong naghahanap ng mga solusyon ang Land Transportation Office (LTO) na layong simplehan ang mga proseso sa ahensya upang hindi makaporma ang mga fixer at kabilang sa mga pinag-aaralan ngayon ay posibilidad na paikliin ang pagsusulit para sa mga kukuha ng lisensya ng pagmamaneho.


Aminado si LTO Chief Jay Art Tugade na ang mahaba at matagal na proseso sa ahensya ay isa sa mga dahilan kaya’t tinatangkilik ng ilang aplikante ang alok na mga serbisyo ng fixer.


Makaraang mabatid na ang kasalukuyang pagsusulit para sa kumukuha ng lisensya sa pagmamaneho ay inaabot ng isang oras, agad na iniutos ni LTO Chief Tugade ang pagbuo ng komite na susuri sa hanay ng mga tanong at kung maaari ay mapaikli ito nang hindi nakokompromiso ang kalidad ng drayber na makakapasa.


Kabilang sa mga pinag-aaralang pagsusulit ay para sa mga bagong kumukuha ng non-professional license at conductor's license, pinababagong klasipikasyon mula non-professional tungong professional driver's license, at pagdaragdag ng driver's license code.


Maliban sa pagpapaikli sa oras ng pagsusulit, inaaral na rin ng komite na gawing "customized" ang mga tanong, depende sa klasipikasyon ng lisensya o driver's license code na kinukuha ng aplikante.


 
 

ni V. Reyes | April 22, 2023




Iniutos na ng liderato ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapalawig ng bisa ng driver’s license na mapapaso o ma-e-expire simula Abril 24.


Nilagdaan na ni LTO Chief Jay Art Tugade ang Memorandum Circular na nagpapalawig ng validity ng lisensya sa pagmamaneho hanggang Oktubre 31 ng kasalukuyang taon o sa sandaling matapos na ang procurement o ang proseso ng pagbili ng license cards na pinangangasiwaan ng Department of Transportation (DOTr).


Maliban dito, maituturing na waived o hindi na sisingilin ang multa sa late renewal.


“All holders of driver’s license cards expiring 24 April 2023 onwards shall no longer be required to renew their licenses until October 31, 2023 or as soon the driver’s license cards become available for distribution to the public,” saad ng memorandum circular.


“Further, all penalties for late renewal transaction shall be waived,” dagdag pa ng LTO chief.


Ang hakbang ng LTO ay sa gitna na rin ng nararanasang kakulangan ng suplay ng license cards sa lahat ng tanggapan ng ahensya sa bansa.


Kasabay nito, sinabi ni Tugade na umaasa ang ahensya na agad nang matatapos ng DOTr ang proseso ng procurement o pagbili ng license cards upang mapasimulan ang pag-iimprenta at maibigay na sa mga drayber na naghihintay na makahawak ng plastic card na driver’s license.


Inaabisuhan naman ang lahat ng law enforcers ng LTO at deputized agents nito na kilalanin ang validity o bisa ng driver’s license na napaso simula sa Abril 24, 2023.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page