ni Lolet Abania | March 20, 2022
Mahigit sa 1,000 magsing-irog ang sumali sa kasalang bayan na ginanap sa bayan Lala sa Lanao del Norte, ngayong Linggo.
Ayon kay Mayor Angel Yap, umabot sa 1,261 pares ang nagpakasal, kung saan isang mangingisdang may disability at babaeng kanyang minamahal na naghintay pa ng 12-taon na sa wakas ay magagamit na rin ang apelyido nito.
Isa ring lalaking senior citizen ang nakipag-isang-dibdib sa live-in partner nito na 14-taong nagsasama. Inamin nilang hindi sila agad nagpakasal dahilan sa kulang umano ang kanilang budget.
Sinabi naman ng iba pang ikinasal na napakahalaga ng mga papel na kanilang panghahawakan dahil madalas anila ay hinahanapan sila ng mag papeles kapag nasa ospital o kaya sa iskuwelahan ng mga bata at wala silang maipakita.
Ayon naman kay Vice Mayor Cesar Poloy Yap Jr., mahalagang maging legal ang pagsasama ng mag-asawa.
“Bukod sa may basbas na ang kanilang pagsasama, kikilalanin na lehitimo ang kanilang mga anak.
Irerekognisa na ng pamahalaan ang kanilang karapatan sa kita, social security benefits, health at life insurance, pensyon, at iba pang mga benepisyo bilang asawa. Ang legal na pagsasama ay nagbibigay ng kasiguruhan sa pamilya,” paliwanag ni Yap.
Ang mga ikinasal ay nagmula sa 27 barangay sa naturang bayan. At bilang pagdiriwang ng Araw ng Lala, kaya isinagawa ang kasalang bayan.
Gayundin, pinayagan na ang kasalang bayan na ginanap sa open space dahil na rin sa isinailalim na ang lugar sa Alert Level 1. Ipinatupad din ng lokal na pamahalaan ang mga health protocols para maiwasan ang hawahan ng COVID-19 sa mga ikinasal.