top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 11, 2021



Ilalagay na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR Plus Bubble simula bukas, Abril 12 hanggang sa ika-30 ng Abril, ayon sa kumpirmasyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Linggo.

Kabilang din ang Santiago City, Isabela, Quirino province at Abra sa mga lugar na ilalagay sa ilalim ng MECQ.


Matatandaang ibinalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong NCR at mga probinsiya ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna nu’ng ika-29 ng Marso na dapat ay nagtapos noong Abril 4, subalit na-extend nang isa pang linggo.


Ngayong araw, Abril 11, nakatakdang magtapos ang dalawang linggong ECQ sa NCR Plus at simula bukas hanggang sa katapusan ng Abril ay ipapatupad na ang bagong quarantine classifications sa ilalim ng MECQ.


Ayon din kay Roque, bukas niya sasabihin ang mga bagong guidelines sa ilalim ng bagong quarantine classifications.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 29, 2021




Patay ang vice-chairperson ng Pamantik Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Dandy Miguel matapos magtamo ng 8 tama ng bala ng baril sa katawan at madatnang nakahandusay sa kalsada ng Asia 1, Canlubang, Calamba Laguna kagabi, Marso 28.


Batay sa tweet ng PAMANTIK KMU, “Pamamaslang ba ang regalo kay Duterte sa kanyang kaarawan? Mas marami pa bang mga pamamaslang at pag-aresto ang aasahan sa loob ng pagbabalik ng ECQ?”


Anila, kabilang si Miguel sa naghain ng reklamo sa Commission on Human Rights kaugnay sa naganap na ‘Bloody Sunday’ kung saan 9 na aktibista ang napatay ng mga pulis.


Sa ngayon ay inaalam pa ng awtoridad ang motibo sa pagpatay at kung sino ang salarin.


Giit pa ni Justice Secretary Menardo Guevarra, “We’ll do a preliminary assessment first. If there's any indication that Miguel's death had something to do with his being a labor leader, the AO 35 committee will include his case for investigation.”


 
 

ni Lolet Abania | August 31, 2020



Mahigit sa 20 lumang bandila ang sinunog sa Binan, Laguna kasabay ng selebrasyon ng National Heroes’ Day ngayong araw. Isinagawa ang pagdiriwang bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng mga bayani na nagbuwis ng buhay para sa ating bansa.


Nagmula ang national flags sa iba’t ibang paaralan at mga ahensiya ng gobyerno sa Binan, na sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng flag-burning ceremony.


“Sinunod natin ‘yung ating batas, ‘yung flag and heraldic code natin, na sila ay sunugin sa tamang pamamaraan,” sabi ni Mayor Arman Dimaguila.


Sa ilalim ng Republic Act 8491, ang isang kupas at lumang bandila ay dapat nang sunugin, “to avoid misuse or desecration.” Gayundin, ibinaon sa ilalim ng lupa ang mga abo ng bandila na bahagi ng pagdiriwang.


“Inilibing natin sila para naman maipakita ‘yung paggalang natin sa mga watawat natin,” sabi ni Dimaguila. Samantala, sa iba pang naganap na seremonya ngayong araw, ang mga frontliners ay binigyang-parangal bilang bayani sa pakikipaglaban sa pandemya ng coronavirus o COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page