top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 12, 2021




Hinuli at pinagmulta ang mga residenteng lumabag sa health protocols, partikular na ang mga walang suot na face mask at mga lumagpas sa curfew hours, batay sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa ilang lugar sa NCR Plus.


Ayon sa ulat, inilunsad ang one time, big time operation sa Quezon City ngayong umaga, kung saan hindi pa matukoy kung ilang violators na ang mga nahuli at dinala sa Quezon Memorial Circle upang doon i-orient at isyuhan ng tiket.


Pinagmulta naman ng P300 hanggang P350 ang mga nahuli.


Samantala, mahigit 300 residente mula sa iba't ibang lugar sa San Pedro, Laguna ang dinampot ng mga pulis kagabi dahil sa paglabag sa curfew hours at city ordinance.


Kabilang dito ang 145 na residenteng walang suot na face mask at hindi tama ang pagsusuot, habang 155 naman ang residenteng hinuli dahil sa curfew hours.


Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pag-iikot ng mga awtoridad sa bawat barangay upang matiyak na nasusunod ang ipinatutupad na health protocols laban sa COVID-19.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 29, 2021




Mananatili hanggang sa ika-14 ng Mayo ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR) kabilang ang Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna upang matiyak ang patuloy na pagbaba ng COVID-19 sa bansa, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.


Aniya, "I’m sorry that I have to impose a longer… Modified Enhanced Community Quarantine kasi kailangan… Nag-spike ang infections at ospital natin, puno… Alam ko na galit kayo, eh, wala naman akong magawa."


Samantala, extended naman ang MECQ hanggang sa katapusan ng Mayo sa mga sumusunod pang lugar:

  • Apayao

  • Baguio City

  • Benguet

  • Ifugao

  • Kalinga

  • Mountain Province

  • Cagayan

  • Isabela

  • Nueva Vizcaya

  • Batangas

  • Quezon

  • Tacloban City

  • Iligan City

  • Davao City

  • Lanao del Sur

Ang mga hindi naman nabanggit na lugar ay nasa ilalim na ng modified general community quarantine (MGCQ) o ang pinakamaluwag na quarantine classifications.


Sa ngayon ay pumalo na sa 1,020,495 ang kabuuang bilang ng COVID-19 sa bansa, kung saan 67,769 ang aktibong kaso, mula sa 6,895 na mga nagpositibo kahapon.


Nananatili namang Quezon City ang may pinakamataas na naitatalang kaso sa NCR.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 15, 2021




Nagdadalamhati ang Lumban, Laguna sa pagkamatay ng 26-anyos na presidente ng Sangguniang Kabataan (SK) na si Renzo Matienzo, ayon sa ibinahagi nilang Facebook post kagabi.


Anila, “Lubus-lubos ang aming pagdadalamhati dahil sa pagpanaw ng aming mabuting Sangguniang Kabataan Federation president. Maganda at masayang alaala ang iniwan mo sa amin na hinding-hindi namin malilimutan. Naging mabuti kang kaibigan at magaling na leader sa amin. You may now rest in peace, Renzo L. Matienzo.”


Batay sa ulat ng Police Regional Office 4A, ilang beses na pinagbabaril si Matienzo habang nasa kanyang kuwarto na naging sanhi ng pagkamatay niya nitong Martes.


Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyaring shooting incident.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page