ni Jasmin Joy Evangelista | September 17, 2021
Dalawampu’t limang kawani ng Laguna Medical Center ang tinamaan ng COVID-19 habang 25 na iba pa ang naka-quarantine naman ngayon.
“Humihingi kami ng tulong po kung pwede makapag-augment ang ating Department of Health kasi bukod sa kulang sa nurse dahil sa naka quarantine, madami pa rin po kaming nurses na umalis at nag-resign na din po, may mga offer sa ibang bansa. Hindi pa po napapalitan. Ang daming opening pero wala pong kapalit,” pahayag ni Dr. Christina Marquez, infectious disease unit head ng ospital.
“Yan po ay mga personnel na hindi lang po mga nurses, kasama po ang ating nasa admin staff. Mostly po nakukuha nila ito sa community hindi po dito sa ospital,” sabi niya.
Samantala, puno pa rin daw ang kanilang ospital dahil sa mga pasyente ng COVID-19.
“Full capacity pa rin tayo ngayon kasi po ang ating mga waiting na pasyente ay madami po sa ating pasilidad so kung meron pong madi-discharge, sumakabilang-buhay na pasyente o magne-negative ay agad na meron itong kapalit na naghihintay dito sa ating pasilidad dahil napakadami ngang kaso na nahihirapan huminga o yung iba kahit po yung positive natatanggap na po namin kahit hindi po kami COVID referral center,” saad ni Marquez.
Ang dating 200-bed capacity ay nasa 125 na lamang daw ngayon para masunod ang tamang distansiya.