ni Lolet Abania | March 21, 2022
Patay na nang dumating sa ospital ang isang 18-anyos na estudyante dahil umano sa hazing sa Kalayaan, Laguna, nitong Linggo.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Reymarc Rabutazo, residente ng Barangay Longos, Kalayaan, Laguna.
Batay sa report ng Kalayaan Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng impormasyon kahapon, na isang binata umano ang nasawi matapos na malunod nito sa ilog. Agad na rumesponde ang pulisya sa lugar subalit nabatid na sumailalim ito sa umano’y hazing o initiation rites ng Tau Gamma Phi Fraternity.
Sinabi naman ng lola ng biktima sa pulisya na isinugod na ang kanyang apo sa General Cailles Hospital sa Pakil, Laguna, subalit idineklara ring dead-on-arrival ng mga doktor.
Ayon sa mga awtoridad, nakakita umano ng mga pasa sa mga hita ng biktima.
Gayunman, humiling na ang Kalayaan MPS upang ma-autopsy ang bangkay ng estudyanteng biktima.
Sinabi rin ng pulisya na nakikipagtulungan na umano sa kanila ang ilang miyembro at opisyal ng Tau Gamma Phi ng nasabing lalawigan.