ni Mary Gutierrez Almirañez | February 26, 2021
Isa na namang gorilya at dalawang leon sa Prague Zoo, Czech Republic ang nagpositibo sa COVID-19 ngayong araw, Pebrero 26.
Enero nang unang magpositibo sa virus ang grupo ng mga gorilya sa San Diego Zoo sa Safari Park kung saan nagsimula ang outbreak at hinihinalang nakuha ng mga hayop ang sakit sa empleyado ng zoo.
Ayon sa Facebook post ni Zoo Director Miroslav Bobek, nagkaroon ng ubo at sipon ang mga leon na sina Jamvan at Suchi, samantalang nawalan naman ng ganang kumain at mabilis nanghina ang lalaking gorilya na si Richard.
Sa ngayon ay nananatiling naka-lockdown ang zoo at kasalukuyan na ring isinasagawa ang contact tracing sa mga hayop.