ni Mabel G. Vieron @Special Article | May 1, 2024
Mga besh, bakit nga ba sa tuwing sasapit ang Valentine’s Day ay excited tayong i-celebrate ito, pero kapag Labor Day sa swimming o outing ang punta natin? Para saan nga ba ang Labor Day at bakit may ganito?
Ang Labor Day o Araw ng Manggagawa ay isang pagpupugay sa mga trabahador upang bigyan sila ng isang araw na pahinga. Isa ito sa naging solusyon upang maiwasan ang pag-aklas ng karamihang trabahador noong unang panahon.
Ito ay na-adopt natin sa Western countries na kung saan ito ay ipinagdiwang noong 1800’s sa bansang Canada na sinundan ng bansang Amerika.
Ang naging leader nito ay walang iba kundi si Peter McGuire, isang American-Irish pioneer unionist o mas kilala sa tawag na Father of Labor Day.
Ngayong Labor Day o Araw ng Manggagawa, deserved ng lahat ng nagpapakahirap magtrabaho para sa pamilya ang ipagdiwang ang araw na 'to. Tulad na lang ng ating magigiting na kapulisan na walang sawang tumutugon at tumutulong sa ating bansa anumang oras.
Kaya naman naisipan naming ikuwento sa inyo ang inspiring story ng isang magiting na pulis na si Leandro Sanchez Gutierrez.
Si Leandro Sanchez Gutierrez, 44-anyos, ay isang Police Lieutenant Colonel sa Sta. Cruz Police Station (PS3). Tuwing papasok daw siya noon sa eskuwelahan, lagi niyang nakikita ang mga nagpo-formation na kapulisan. At 'yun ang nagtulak sa kanya para ipagpatuloy ang kursong Criminology.
Para bang nakatadhana na sa kanya ang pagiging pulis, dahil nagkaroon din siya ng chance na makapag-exam sa Philippine National Police Academy (PNPA).
“Nag-exam ako roon. Luckily, nakapasa ako! Natapos ko ‘yun, kaya heto, officer na ako.
“Na-inspire ako sa mga pulis na 'yun, ang gaganda kasi nilang tumayo, matitikas ‘yung dating, tapos disiplinado talaga sila. Kaya mula noon, pinangarap ko na maging pulis. Kaya tinry ko hanggang sa na-reach ko na ang position na 'to,” pagbabahagi ni PLTCOL. Gutierrez.
At alam naman natin na ang buhay-pulis, laging nasa hukay ang isang paa. Paano nga ba niya hinaharap ang ganitong banta?
Ayon kay PLTCOL. Gutierrez, marami na siyang na-experience na iba’t ibang pakikipaglaban. Ngunit ang isa sa ‘di niya malilimutan ay noong mag-rescue sila ng kidnap victim sa Laguna.
“Pagpasok namin ng ka-buddy ko, hindi namin inaasahan na naka-ready na pala ‘yung kidnapper. So ang nangyari, pagpasok namin, pinutukan kami ng kidnapper. Actually, nakatutok sa akin, tinamaan ako sa vest. Nagulat ako nu'n, so ang ginawa ko, nag-react kaagad ako, ginantihan ko siya ng putok,” pagkukuwento niya.
Ang naisip umano niya nu'ng mga oras na 'yun ay kung wala siyang vest, paniguradong katapusan na niya. Pero, matagumpay pa rin nilang nailigtas ang biktima at nahuli ang kidnapper.
Walang sawang pasasalamat sa Diyos ang ginawa ni PLTCOL. Gutierrez matapos ang insidenteng 'yun.
Kung ang iba ay dumating sa time na gusto nang bitawan ang kanilang pangarap, ibahin natin siya, dahil kahit isang beses umano, ‘di sumagi sa kanya na talikuran ang kanyang serbisyo.
“Nakapokus ako, eh. Officer ako, ako 'yung example ng mga tao ko. I have to set influence on them. Kaya kailangan kapag sa trabaho, nakapokus ka lang. Hindi pupuwede 'yung parang maggi-give up ka o kaya susuko ka kasi tatamarin na rin 'yung mga tauhan mo,” ayon sa kanya.
Bilang pagpapakita ng dedikasyon sa kanyang propesyon, alam n'yo ba na kahit natutulog na itong si PLTCOL. Gutierrez, kapag may tumawag at sinabing emergency, agad-agad daw siyang pumupunta kahit na wala pa rin siyang gaanong pahinga at tulog.
Ganu’n kamahal ni PLTCOL. Gutierrez ang kanyang trabaho.
Samantala, binigyang-diin ni PLTCOL. Gutierrez na kung may mga tiwaling pulis na kahihiyan ng kanilang hanay, proud siya na mabuti siyang officer, kaya’t nakakapag-produce sila ng mga mabubuting pulis.
At bilang officer, isa rin siyang disciplinarian, lalo na ngayong nababahiran ng mantsa ang imahe ng mga kapulisan.
“Mahigpit ako sa mga pulis ko. Every day, pinapaalalahanan ko sila ng mga dapat at hindi dapat gawin. Maya’t maya ko silang ini-inform sa group chat namin, reminding the same reminders, hindi puwedeng gawin 'to, kapag ginawa n'yo 'to, makukulong kayo. Kapag ginawa n'yo 'to, ako mismo magpaparusa sa inyo. Kaya binabantayan ko sila,” buong-pagmamalaking ibinahagi ni PLTCOL. Gutierrez.
So far, wala pa naman umanong mabigat na naging kasalanan ang mga kapwa niya pulis, dahil na rin sa pagga-guide at pagpapaalala niya sa mga ito.
Ang palagi niyang sinasabi sa kanila, “Tingnan n'yo 'yung maliit na ginawa nila. Tingnan n'yo 'yung kapalit, kahihiyan. Kahihiyan ng pamilya n'yo, at puwede pa kayong mawalan ng trabaho [at] suweldo.”
Aware rin naman siya na mayroon talagang mga kapulisan na involved sa mga illegal activities. Ngunit kung ibe-base umano sa number, napakakaunti lang nila kumpara ru’n sa populasyon ng buong kapulisan. Kaya ine-encourage pa rin ni PLTCOL. Gutierrez ang mga kabataan na nangangarap maging pulis.
“Try n'yo mag-exam sa mga other institution like Philippine National Police Academy, if you want to go on officer shift course, puwede kayong maging officer pagka-graduate n'yo. And sana, kapag pumasok kayo sa pagpupulis, ang intention n'yo talaga is to serve the country. Kasi 'yung mga napapanood natin sa pelikula na nagiging pulis iskalawag, 'di ba? Hindi ganu’n. Once you enter the police service, kailangan ang focus n'yo, ang goal n'yo is straightforward. Kailangan hindi kayo maging korup, at kailangan may takot kayo sa Diyos.”
Ilan lamang ito sa mga payo at mensahe na masasabi niya para sa mga kabataang nangangarap na mag-serve para sa ating bayan.
Kaya sa mga magigiting na kapulisan natin d’yan, ang inyong sipag at dedikasyon sa paglilingkod ang dahilan sa patuloy na pag-unlad ng ating bayan.
Kaya mula sa pahayagang BULGAR, saludo po kami sa inyo!