ni Mary Gutierrez Almirañez | March 8, 2021
Kailangan nang gamitin ng mga empleyado at konsumer ang KyusiPass contact tracing app tuwing pupunta sila sa mga establisimyento sa Quezon City.
Layunin nitong mapadali ang paghahanap sa mga naging close contact ng isang indibidwal na nagpositibo sa COVID-19, ayon sa pahayag ng pamahalaang lungsod noong Biyernes, ika-5 ng Marso.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, maaaring ma-access at makapagparehistro sa SafePass website, SafePass Facebook chatbot at text messages.
Aniya, “Digital copies of these logs should be readily available to the City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) for any given time should contact tracing be necessary. We are very alarmed by the latest spike in cases and we will not allow this surge to continue. We do not want to experience the ordeal of having all our hospitals overwhelmed by patients, so we will employ all means to stop it.”
Dagdag pa niya, “For clarity, a lessee inside a larger establishment, like individual stores inside malls, should have its own contact tracing log.” Samantala, sa mga establisimyento namang gumagamit pa rin ng manual contract tracing form ay hinihikayat niyang pagamitin o pagdalahin ng kani-kanilang sariling panulat ang mga magsusulat sa form.
Kaugnay nito, ipinagbabawal pa rin sa lungsod ang pagbubukas ng mga indoor cinemas, video/interactive game arcades, theme parks/funfair, beerhouse, nightclubs, videoke/KTV bar, kids amusement center, daycare at playhouse.
Ipinaalala rin ng alkalde ang one seat apart sa mga pampublikong transportasyon at ang pagbabawal na maglamay sa bawat tahanan.
Sa ngayon ay mahigit 3,000 katao ng Barangay Disiplina Brigade Program ang lumahok sa Department of Public Order and Safety upang boluntaryong tumulong sa pagpapatupad ng mga ordinansang may kinalaman sa COVID-19.