ni Zel Fernandez | April 26, 2022
Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na kabilang ang 2018 barangay elections sa ikinokonsidera para matukoy kung ang isang indibidwal ay matatanggal sa listahan ng mga aktibong botante para sa darating na 2022 elections.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, karamihan sa mga nawala sa listahan ng mga aktibong botante ay nakalimutang bumoto noong 2018 barangay elections, kaya nagrereklamo ang mga ito at iginigiit na tanging 2019 elections lang ang kanilang nalagpasang botohan at nakaboto pa noong 2016.
Paliwanag ni Garcia, batay sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa reklamo ng mga hindi aktibong botante, ang hindi pagboto sa barangay elections bilang regular na eleksiyon ay ginagamit na basehan upang matanggal ang pangalan sa voters' list.
Dagdag pa ni Garcia, sorry na lang umano sa mga natanggal na botante. Gayunman, maaari naman aniyang magpa-activate ulit ang mga nawala sa listahan sa darating na Hulyo.