ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 13, 2022
Si Jovito Palparan ay dating heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nabansagan siyang “The Butcher” dahil sa kanyang madugong kampanya laban sa mga komunista at iba pang “kalaban ng gobyerno” noong administrasyon ni dating P-Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa State of the Nation Address (SONA) ni ex-P-Arroyo noong 2006, kinilala niya ang mga tagumpay ni Palparan laban sa New People’s Army (NPA). Pero sa mga kampanyang ‘yan ay inakusahan siya ng maraming paglabag sa karapatang-pantao.
Isa na ang kaso ng pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, na parehong nakapagtapos sa UP Diliman at inakusahang mga miyembro ng NPA. Dinampot sila ng mga hinihinalang militar noong 2006.
Nang sampahan ng kaso si Palparan at apat pang sundalo noong 2011, nahuli siya sa Clark International Airport na paalis na sana patungong Singapore. Malinaw na tumatakas sila sa batas. Samantala, tumestigo naman si Raymond Manolo, na naging biktima nga ng matinding kalupitan ang dalawang babae sa kamay ni Palparan mismo. Hindi na natin babanggitin ang mga ginawa sa dalawang babae — masyadong karumal-dumal.
Noong 2018, nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong sina Palparan, Lt. Col. Felipe Anotado at Staff Sgt. Edgardo Osorio. Inapela ang kaso sa Court of Appeals.
Samantala, noong Marso ngayong taon, nakapanayam si Palparan at ang dalawang sundalo habang nasa loob ng New Bilibid Prison kay Lorraine Badoy, tagapagsalita ng NTF-ELCAC na siyang madalas magbansag na komunista sa ilang tao at grupo.
Ilang beses na siyang inireklamo ng “red-tagging”. Ipinalabas ang nasabing mahabang panayam sa SMNI, ang network na pagmamay-ari ni Apollo Quiboloy, ang malapit na kaibigan at spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte — hindi na tayo nagtataka.
Ayon kay Badoy, ginawa ang panayam “para parangalan at ipagtanggol” si Palparan. Hindi na baleng nahatulan ng korte at kasalukuyang inaapela ang kaso at hindi dapat publikong pinag-uusapan batay sa sub judice rule.
Ayon sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ), may mga paglabag na naganap sa nasabing interview batay sa mga alituntunin mismo ng BuCor. Kailangang magpaliwanag ngayon si BuCor chief Gerald Bantaga sa DOJ. Sino ang nagbigay ng pahintulot dahil hindi alam ng DOJ? Bakit pinayagan ni BuCor chief Gerald Bantag na makapasok sila Badoy at makausap si Palparan kung alam na inaapela ang kaso? Eh, huwag na tayong magtaka at ganyang naman kumilos ang NTF-ELCAC, tila hindi sila saklaw ng anumang batas hangga’t malakas sila sa pangulo.
Nataon naman na lumabas na ang desisyon ng Court of Appeals sa kaso ni Palparan. Ipinagtibay ng korte ang hatol kay Palparan at dalawang sundalo ng mas mababang hukuman, pero may binago sa parusa. Bukod sa panghabambuhay na pagkakakulong, hindi sila mabibigyan ng pagkakataong mabigyan ng parole o paglayang may kondisyon.
Habambuhay ang parusa. Iaapela sa Korte Suprema ang kaso pero sa ngayon, lahat ng panahon para pag-isipan nila kung paano naging banta ang dalawang hindi armadong babae sa seguridad ng bansa at kung bakit sila kinakailangang pahirapan nang husto.
Sa ngayon, hindi pa natatagpuan ang dalawang babae. ‘Yan ang hindi binabanggit ni Badoy o ng buong NTF-ELCAC.