ni Mary Gutierrez Almirañez | May 1, 2021
Nagprotesta ang iba’t ibang grupo ng ralista sa Welcome Rotonda, Quezon City upang ipanawagan ang karagdagang sahod para sa mga minimum wage earners at production subsidy para sa mga magsasaka, kabilang ang sapat na ayuda para sa lahat, kasabay ng ipinagdiriwang na Labor Day ngayong araw, Mayo 1.
Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), pasado alas-7 nang umaga pa lamang ay naka-deploy na ang mga pulis sa Liwasang Bonifacio upang harangin ang mga nagpoprotesta. Gayunman, hindi sila nagpatinag at patuloy pa rin sa pagwewelga.
Paliwanag ni KMU Chairperson Elmer Labog, "Labor Day should honor workers but the PNP is insulting us by depriving us of our right to air our grievances. Liwasang Bonifacio is a freedom park and the police should back off. The protests will push through despite this harassment.”
Batay din sa kanilang tweet, “Ang sigaw ng manggagawa at mamamayan ngayong Mayo Uno: Ayudang sapat para sa lahat, P100 daily wage subsidy sa manggagawa! P10k ayuda sa nawalan ng trabaho at maralita! P15k production subsidy sa magsasaka! Subsidyo sa pasahod ng MSMEs!”
Samantala, wala namang iniulat na nasaktan sa rally.
Maayos din nilang nasunod ang pagsusuot ng face mask at face shield laban sa banta ng COVID-19.
Gayunman, hindi pa rin naiwasang magkadikit-dikit at mawala ang social distancing habang nagpoprotesta.