ni Jasmin Joy Evangelista | October 15, 2021
Mababa na ang bili ng palay sa mga magsasaka ngunit nananatiliing mataas ang presyo ng bigas sa ilang pamilihan.
Ayon sa rice watchdog group na Bantay Bigas, ang pinakamababang presyo ng kada kilo ng bigas sa pamilihan ay nasa P38.
"Nananatiling mataas 'yung presyo ng bigas sa merkado given na anihan na ngayon at the same time napakababa ng presyo ng palay na pamimili ng mga traders at millers sa mga magsasaka," ani Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo sa isang panayam.
Matatandaang nangako ang gobyerno na posibleng bumaba ang kada kilo ng commercial rice dahil sa pagdagsa ng inangkat na bigas dahil sa rice tariffication law.
Ayon kay Estavillo, nasa P9 hanggang P10 umano ang pamimili ng palay sa isang magsasaka sa Iloilo.
"Gamit ang rule of thumb, kung nabili ng P14 'yung palay ng mga magsasaka ay dapat merong P28 na bigas sa merkado. Kung P16, dapat P32. Wala tayong nakikita," aniya.
Dahil dito, hinamon ng grupo si Agriculture Secretary William Dar na magpunta sa bukid para makita ang kalagayan ng mga magsasaka.