ni Lolet Abania | August 31, 2020
Nag-iwan ng maraming sugatan ang dalawang magkahiwalay na pagsabog sa Abu Dhabi at sa tourism hub ng Dubai, sa United Arab Emirates, ayon sa pulisya at local media.
Sa report ng local media, isang gas cylinder ang sumabog sa Dubai restaurant bandang alas-10 ng umaga kanina, kung saan isa ang namatay.
Ayon sa Dubai Civil Defense spokesperson, nagdulot ang naturang pagsabog ng pagkasira ng ground floor ng isang gusali. Inabot ng 33 minuto bago tuluyang naapula ang sunog.
Sa Abu Dhabi, tinamaan ng pagsabog ang KFC at Hardees restaurants sa Rashid bin Saeed Street. Nadamay din ang ibang retail outlets ng siyudad, ayon sa report ng Abu Dhabi-owned newspaper na The National.
Gayunman, ayon sa Abu Dhabi police, karamihan sa mga tinamaan ng explosion ay minor at moderate injuries ang nangyari. Wala ring naitalang casualty sa pagsabog. Pina-evacuate na ang lahat ng residente ng gusali at sa kalapit na lugar.
Samantala, sa Rashid Saeed Street, na kilala rin bilang airport road ng lugar, ay inasahan ang top aides ni US President Donald Trump at Israeli Prime Minister Benjamin Netanhayu, na darating nang hapon kanina, dahil sa isang historic trip sa pagitan ng Israel at isa pang bayan ng Arab.