ni Julie Bonifacio - @Winner | September 3, 2020
Sapul ng COVID-19 pandemic ang barber shop business ng Kapamilya star na si Daniel Padilla na matatagpuan sa malalaking malls sa Metro Manila.
Nagbukas ang Barbero Blues noon lang October 26, 2019 at isa nga ang barber shop sa mga naapektuhan ng pagpapatupad ng lockdown sa Metro Manila na mag-aanim na buwan na sa Sept. 15.
"Talagang sapul ang Barbero Blues, eh," malungkot na sabi ni Daniel sa interbyu sa kanya ng Star Magic para sa kanilang YouTube channel recently.
Pero kahit nalulugi ang kanyang negosyo, naisip pa rin ni Daniel ang kapakanan ng mga barbero at staff niya.
"Siyempre, may mga na-lay-off yata, which is hello?! Tayo sa ABS-CBN mismo, alam natin 'yun, 'di ba? Dahil hindi kayang suportahan, eh. Ang hirap, kasi hindi mo rin alam kung saan ka kukuha financially. Pero siyempre, hindi pa rin natin nakakalimutang tumulong kahit papa'no," pagsisiwalat ni Daniel.
Pinatunayan naman ng ilang empleyado ng Barbero Blues na hindi sila pinabayaan nina Daniel sa gitna ng pandemya. Binigyan daw sila ng cash assistance simula pa lang ng lockdown at napakalaking tulong daw nito sa kanila.
Sinubukan nina Daniel na buksan ang business nila nu'ng payagan na ng gobyerno na mag-operate ang mga salon and barber shops. Pinanood daw ni Daniel ang video na nakunan ng kanyang Tito Do (Armando Cruz), best friend ng kanyang Momshie Karla Estrada at siyang nagma-manage ng barber shop, noong nagbukas sila last June.
"Tinitingnan ko 'yung mga videos ni Tito Do. Kasi, siya 'yung everyday na pumupunta, eh. Wala talagang tao. Hindi mo talaga sila mapipilit. Pero ako naman, sa akin, hindi naman nila kailangang magpagupit lang. I think Barbero Blues is a good place, kasi malinis, sanitized and siyempre, importante ru'n sa amin ang safety."
May mga kasosyo rin si Daniel sa kanyang barber shop gaya ng itinayo niyang restaurant, pero magkaiba ang mga partners niya sa dalawang negosyo.
For Barbero Blues, kasosyo rin ang mag-iinang Bernardo (Kathryn, Mommy Min and Kath's sister Tin), ang ina ni Daniel na si Karla at si Do, at ang hairstylist na si Tony Lao.
"Si Tito Do ang pinaka-hands-on. Super-galing sa numero ng ate ni Kathryn, si Ate Tin. Ako, super-naguguluhan ako sa number. Pero ako kasi, doon ako sa designing, sa vibe ng place, sa quality control."
Collaboration daw nila ni Kathryn ang Barbero Blues at tuluy-tuloy daw sila sa improvement nito.
Tanggap naman daw ni Daniel ang sitwasyon pero hindi puwedeng huminto na lang doon ang kanyang Barbero Blues.
"Ngayon, nag-iisip kami ng mga steps ng mga puwede naming gawin for Barbero Blues, kasi gusto ko siyang itayo as a band. So, that's the plan. Ngayon, nandu'n na kami, tinitingnan namin 'yung part na 'yun."
Aminado si Daniel na 'di siya eksperto pagdating sa business, pero knows niya na kailangang mag-evolve sila.
"Ngayon kasi, abnormal, 'di ba? 'Yung business mo, okay. Tapos, nagka-pandemic. So, ano'ng puwede nating gawin? We have to evolve or adapt. We have to experiment," diin pa ni Daniel.