top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 28, 2024



Dear Maestro,


Ang idudulong ko sa inyo ay tungkol sa aking pag-ibig, lagi na lang kasi akong nabibigo. 

Sa katunayan, tatlong beses na akong nagmahal at sa tatlong beses na ‘yun palagi lang akong lumuluha.  


Sa ngayon, isa na akong single mom. Sa kasamaang palad, nagkahiwalay din kami ng naka-live in ko at sumama siya sa ibang babae. 


Sa ganitong kalagayan ng aking buhay, may pag-asa pa kaya akong lumigaya at makasumpong ng isang simple pero masayang pamilya?


Ang birthday ko ay January 13, 1997.

Umaasa,

Camille Siclong, Laur, Nueva Ecija


 

Dear Camille,


Kaya ka palaging nabibigo sa pag-ibig, magulo at nababoy kasi ang iyong lagda. Dapat simpleng lagda lang, ‘yung hindi binurara at binaboy. 


Pagsikapan mong makalikha ng isang simpleng “C” sa unahang bahagi ng iyong lagda, ‘yun bang walang malaking bilog sa tuktok. Kapag tinapos mo naman ang iyong apelyido sa iyong pirma, hindi mo na dapat pang ibalikwas pakaliwa ang dulong letrang “N”. Sa halip, tapusin mo ang iyong pirma sa direksiyong pakanan.


Sa ganyang pirma, ‘yun bang hindi na nababoy o naburara, sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran, muli kang makakasumpong ng isang wagas at panghabambuhay na pakikipagrelasyon.


Habang ayon naman sa birth date mong 13 o 4, naging 4 ang 13, dahil ang 13 ay 1+3=4, at nagkataon ding 4 ang destiny number mo, naging 4 ang destiny number mo, dahil 1+13+1997=2011/ 20+11=31/ 3+1=4, ‘yan ang nagsasabing kung tatlong beses ka na nabigo sa pag-ibig at mga pakikipagrelasyon, malaki ang pag-asa mo na sa ikaapat na pakikipagrelasyon ay papalarin at susuwertehin ka na.


Nangyaring ganu’n dahil ang numerong 4 ang magiging significant o mahalagang pangyayari sa iyong buhay, kaya nga sobrang laki ng posibilidad na sa ikaapat na pag-ibig, makakasumpong ka na ng isang panghabambuhay na pamilya.


Mas madaling mangyayari ang pag-aanalisang tinuran sa itaas, kung maghahanap ka ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Virgo, Taurus, Cancer o kapwa mo Capricorn na may birth date na 7, 16, 25,2, 11, 20 at 29, – sa piling ng nasabing lalaki, may pangako ng isang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.


Habang ayon sa iyong Love Calendar, nakatakda mong matagpuan ang nasabing ikaapat sa taong 2025, sa buwan Oktubre, sa edad mong 28 pataas, hatid ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 26, 2024



Dear Maestro,


Nagtataka ako ngayon sa kapalaran ko. Masipag naman akong mag-apply, pero bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong trabaho? 


Nakapagtrabaho naman na ako dati, ‘yun nga lang ay hindi rin ako nagtagal, nadamay kasi ako intriga. Kaya naman kesa mapaaway pa ako, napagdesisyunan ko na lang na mag-resign. 


Ang problema nga lang ay mula nang mag-resign ako sa pinapasukan ko, hindi na ako sinuwerte at hanggang ngayon ay tambay pa rin ako. 


Kaya naman naisipan ko nang sumangguni sa inyo upang itanong kung ano’ng taon ba ako makakahanap ng isang permanente at magandang trabaho na may malaking suweldo? 

Siya nga pala, 27-anyos na ako ngayon, pero wala pa rin akong asawa. Maestro, kailan kaya ako makakapag-asawa? 


May girlfriend naman ako ngayon, pero hindi naman seryoso ang relasyon namin, at minsan lang kami kung magkita. 


Ang birthday ko ay July 29, 1997. 

Umaasa,

Matt ng Banlic, Cabuyao, Laguna

 

Dear Matt,


Para makahanap ka ng trabaho, may mga bagay ka dapat isaalang-alang at baguhin sa iyong buhay.


Una, ang iyong lagda na bukod sa nababoy at pangit, hindi mo dapat ibalikwas pakaliwa ang dulong bahagi ng “a” sa iyong pirma na lumilikha ng kinanselang anyo o binurarang lagda. Sa halip, idiretso mo lang ang pinakapaa ng letrang “a”  sa direksiyong pakanan. Sa ganyang lagda, magkakaroon ka na ng panibagong lakas ng loob at sigasig na mag-apply nang mag-apply, hanggang sa matagpuan mo ang isang kumpanya na may kaugnayan sa computer o communication, – sa nasabing kumpanya ka magkakaroon ng isang regular, permanente at magandang trabaho. 


Ang ikalawang bagay na dapat mong baguhin sa iyong buhay o pagkatao ay ang iyong bigote na nagiging dahilan kaya nawawala sa pagiging balanse ng iyong mukha. Kailangan mo munang tanggalin ang iyong bigote, para mas mabalanse mo ito. 


Dagdag dito, imbes na hawiin sa gitna ang buhok na nakalugay sa iyong noo, hawiin mo ito paitaas, upang ganap na mailantad ang kabuuang hugis ng iyong mukha.


Makikita mo, kapag nagawa mo na ang simpleng dalawang pagbabagong nabanggit sa iyong mukha, pag-ahit ng bigote at suklayin paitaas ang buhok, tiyak na ang magaganap, magkakaroon na ng positibong pagbabago ang iyong buhay tungo sa isang mas maunlad at masaganang karanasan.


Habang ayon sa iyong Career at Love Calendar, sa susunod  na taong 2025, sa edad mong 28 pataas, makakatagpo ka na rin ng isang maganda at permanenteng trabaho at doon mo na rin makikilala ang isang babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Sagittarius na siyang magiging girlfriend at makakasama mo sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 23, 2024



Dear Maestro,


Matagal na akong sumusubaybay sa mga artikulo n’yo. Kaya naman naisipan ko nang sumangguni sa inyo. May ilang katanungan lang ako tungkol sa aking kapalaran, lalo na pagdating sa pag-ibig. 


Maestro, panghabambuhay na ba ang relasyon namin ng boyfriend ko? Ang birthday ko ay September 29, 1996, habang October 4, 1995 naman ang birthday niya.

 

Umaasa,

Kikay ng San Isidro, Lubao, Pampanga


 

Dear Kikay,


Compatible kayo ng kasalukuyan mong boyfriend, dahil kapwa kayo under sa zodiac sign na Libra. Kung saan, ang birthday mong September 29, 1996, habang October 4, 1995 naman ang boyfriend mo ay sadyang tugma at compatible sa isa’t isa, sapagkat pareho kayong nagtataglay ng elementong air o hangin.


Kaya sa pag-aanalisang Western Astrology, suwetung-suweto at saktung-sakto ang inyong pagsasama. Kaya naman, maitatala bilang isang maligaya at panghabambuhay ang inyong relasyon. 


Dagdag pa sa Numerology, ang birth date mong 29 o 2 (2+9=11/ 1+1=2) ay nagtataglay ng planetang Moon-Neptune na naiimpluwensiyahan din ng elementong tubig, habang itong numerong 2 naman ang siyang destiny number ng boyfriend mo. Nangyaring ganu’n, dahil ang October 4, 1995 ay kinokompyut ng ganito: 10+4+1995= 2009/ 20+09=11/ 1+1=2) at ang birth date mong 2 at destiny number ng boyfriend mo na 2, ay nagsasabing sobrang tugma at compatible talaga kayo para sa isa’t isa. 


Kaya ayon sa Decadens ng Kapalaran na pinaigting pa ng inyong Love Calendar, sa susunod na taong 2025, sa edad mong 29, habang 30 naman ang boyfriend mo, kayo na nga ang magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng isang maunlad,  maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page