Dear Maestro,
Kapag nagkatuluyan ang magkasintahan na hindi compatible, ano ang mangyayari? Hindi ba sila uunlad at magiging maligaya kahit nagmamahalan naman sila? Ang boyfriend ko ay isinilang noong October 12, 1994 at September 7, 1995 naman ang birthday ako. Inaaya na niya akong magpakasal, pero nagdadalawang-isip ako dahil sa nababsa ko sa kolum n’yo na hindi compatible ang zodiac sign kong Virgo sa zodiac sign niyang Libra, ganundin ang birth date kong 7 sa birth date niyang 12.
Ano ang masasabi n’yong mangyayari sa relasyon namin sakaling kami ay magkatuluyan? Hindi ba ito magiging successful at mauuwi sa paghihiwalay ang pagsasama namin?
Umaasa,
Ms. Virgo ng San Jose, Rodriguez, Rizal
Dear Ms. Virgo,
Sa sandaling ang mag-asawa o magkasintahan ay hindi compatible sa Numerology at Astrology, hindi sinasabing mauuwi rin sa paghihiwalay ang pagsasama ng magkarelasyon, sa halip, ang sinasabi ay mahihirapan kayong magtagumpay at lumigaya dahil hindi kayo tugma ng “body chemistry”.
Walang iniwan sa likas na talento ng isang bata. Kung halimbawang bata pa lang ay napansin mo siyang magaling umawit o kumanta, ngunit mahina naman siya sa pagsayaw, ‘di ba, kapag sinanay mo siya bilang mang-aawit, mas madali siyang matututo sa larangang ito kung ikukumpara sa pagsayaw? Ganundin sa relasyon, halimbawa, relasyong hindi compatible versus compatible, ano ang mangyayari?
Madalas nating marinig ang mga salitang, “Bakit sa umpisa pa lang ay magaan na ang loob ko sa taong ito?” Kaya ganu’n, marahil nangangahulugang magkatugma ang kanilang body chemistry sa umpisa pa lang. Kaya kapag nagsama sila at naging magkaibigan, dahil magaan ang loob nila sa isa’t isa, sa unang pagtatagpo pa lang ay magiging maligaya at maunlad ang nasabing samahan.
Kabaligtaran, may naririnig din tayong ganito, “Bakit sa umpisa pa lang, parang wala na akong tiwala sa taong ito?” Hindi ba, kahit parang wala kang tiwala sa nasabing tao at pinagsama kayong dalawa, puwede rin naman kayong mag-sama pero dahil nabahiran ng hindi magandang first impression ang ganu’ng relasyon, sa simula pa lang ay hindi mo na mahal ang tao o wala na agad siyang puwang sa iyong puso, kaya maaaring ang ganu’ng relasyon ay hindi magtagal, lalo na ang samahang ito ay binayo ng mabibigat na mga pagsubok.
Ganundin sa compatibility theory, hindi natin dini-discourage na huwag magsama ang taong hindi compatible sa isa’t isa, kumbaga sa sundalo na sasagupa sa giyera, sinasabi na natin sa kanila na hindi basta-basta ang makakalaban nila, sapagkat hindi sila compatible sa isa’t isa.
Kumbaga sa kumpetisyon na iyong sasalihan, hindi natin sinasabing hindi kayo magwawagi, sa halip, mahihirapan kayong magwagi sa nasabing kumpetisyon sapagkat hindi basta-basta ang mga pagsubok na kakaharapin n’yo sa pakikipagtunggali.
Ikumpara mo naman sa magkasintahan na compatible sa isa’t isa, ipinagpapauna na natin sa iyo na kauting pagmamahalan at pag-uunawaan na sasahugan ng pagsisikap at lambingan, mas madali kayong liligaya at magtatagumpay dahil compatible kayo sa isa’t isa.
Pero hindi rin puwede ang pangyayaring porke compatible kayo ay hindi na kayo magsisikap, magmamahalan at mag-uunawaan. Kapag ganu’n, kahit compatible kayo pero naging pabaya kayo sa isa’t isa, maaari kayong maghiwalay at hindi mo masisisi ang compatibility theory, bagkus, ang dapat sisihin ay ang damdamin at ugali ninyo habang kayo ay magkasama.
Walang iniwan sa tanim o halaman na inihulog sa matabang lupa. Kahit mataba ang lupa, pero kung hindi naman didiligan at dadamuhan ng magsasaka at kahit ang buto ay hybrid pa, hindi rin siya mamumunga.
Sa kabilang banda, ang mga nagsasama na hindi compatible ay maituturing na
isang binhi na inihulog sa hindi matabang lupa. Bagama’t hindi mataba ang lupa, kung masipag namang mag-alaga, magdilig at magsinop ng halaman ang magsasaka, posibleng mamunga pa rin ito.
“Less effort versus hard work” ang labanan kapag pinag-uusapan ang compatibility. Sa mas magaang na paliwanag, ano ang gusto mo, suwabeng dumarating sa inyong mag-asawa ang magagandang biyaya ng buhay dahil bukod sa compatible kayo ay tunay kayong nagmamahalan o parang mabigat ang dating ng magandang kapalaran dahil hindi kayo compatible at hindi kayo gaanong nagmamahalan?
Ganu’n ‘yun, Ms. Virgo, kaya kung mahal mo ang boyfriend mong hindi mo ka-compatible, pakasalan mo siya, basta nagmamahalan kayong dalawa. Pero tulad ng ama na pinagbilinan ang anak bago sumuong sa isang sapalaran, pagbutihin mo ang papasukin n’yong pagpapamilya, dahil hindi birong labanan ang inyong mararanasan.
Muli, kapag ang relasyon ay may dalisay at wagas na pagmamahalan, kahit hindi kayo compatible, malaki pa rin naman ang tsansa na makabuo kayo ng masarap na pag-iibigan at maligaya, maunlad at panghabambuhay na pagpapamilya.