top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 13, 2024



Dear Maestro,


May nabili kaming bagong bahay. Pina-renovate agad namin ito at malapit na rin itong matapos, pintura at kaunting dekorasyon na lang ang kulang. 


Maestro, ano bang magandang kulay ang bagay sa bahay namin at ano’ng pandispley ang dapat naming ilagay? 


Meron din itong bakanteng lote, pero hindi pa namin alam kung ano ang ilalagay namin du’n. 


Once na matapos na ito, balak na sana naming lumipat ngayong Nobyembre. Favorable ba sa amin ang buwan na ito? Kung sakaling hindi, ano’ng petsa at buwan dapat kami lumipat? 

Ang birthday ko ay April 20, 1974, habang September 16, 1969 naman ang mister ko.


Umaasa,

Liezel ng San Roque, Antipolo City, Rizal 


 

Dear Liezel,


Ayon sa Chinese Astrology at sa taon ng iyong kapanganakan, nasasakupan ka ng elementong wood o kahoy, habang ang taong 1969 naman ng iyong mister ay under ng elementong earth.


Kung saan, ang prinsipyo sa Chinese or Oriental Astrology ay kailangan palaging nakabalanse.


Kaya ang pangkaraniwang tinatanong ay, “Ano’ng elemento pa ba ang kulang sa iyo?”


Kapag nalaman mo na ang elementong kulang sa iyong buhay, ‘yun ang idagdag mo para magkaroon ka ng harmony. Kapag meron nito ang isang tao, tiyak na liligaya at uunlad ang kanilang tahanan.  


Sa kaso n’yo, dahil ikaw ay isang “wood-tiger,” habang ang mister mo naman ay “earth-rooster” ang kailangan n’yong elemento para makumpleto ang inyong pagsasama ay ang “water, fire o kaya’y metal”.


Kaya ang pupuwede n’yong ipandispley sa harapan ng inyong bakuran na laging natatanaw tuwing dadaan kayo ay ang mga bagay na metal. Kaya naman, maghanap ka ng dalawang metal na nakatayo o pigura ng mag-asawa na magkayakap at waring naghahalikan. 


Sa ganyang paraan, unconsciously sa tuwing matatanaw n’yo ang nasabing pigura, lalong titibay ang inyong pagmamahalan.


Kung fire naman ang elementong maisip n’yo, puwede naman kayo mag-display ng isang pigura na nakatayong nilalang na walang damit at may pakpak sa paa, ‘yun bang pigura ni Mercury na may hawak na sulo. ‘Yung tipong Olympic torch na sinisindihan tuwing may Olympic games. Ang kaibahan nga lang ng pandispley na nabanggit na maaari n’yong ilagay sa inyong bakuran ay yari sa metal o bato. Sa ganyang paraan, mananatiling mainit ang inyong pagmamahalan habambuhay at magiging mabilis din ang pagdating ng dagdag-salapi at kayamanan sa inyong pamilya.


Kung ang mapipili n’yo namang elemento ay tubig. Maghanap kayo ng pigura ng dalawang batang lalaki na nakahubad, umiihi, at dapat tumatama ang ihi sa mga berdeng halaman sa harap ng inyong bahay. Sa ganyang paraan, ang maalab at maligayang pagmamahalan ay hindi mawawaglit sa bawat miyembro ng inyong pamilya.


Kung ang zodiac sign mo namang nasa pagitan ng Aries at Taurus at zodiac sign na Virgo ng mister mo ang tatanungin, kapwa kayo earth type sign. Kaya naman tama ang buwan ng Nobyembre para lumipat ng bahay, sapagkat ang Nobyembre ay nasasakop ng zodiac sign na “water” na siya ring elementong kailangan ng zodiac sign n’yo para tuluy-tuloy na umunlad at sumagana ang inyong samahan. 


Gayunman, isaalang-alang n’yo rin ang petsang November 11 to 20, 2024 upang higit na makumpleto at mas maging maligaya ang inyong pamilya sa paglipat n’yo ng bahay.


Dapat bago kayo lumipat, ituon n’yo ito sa panahon ng first quarter, new moon o full moon ang buwan, upang tulad ng liwanag at sinag ng buwan, para patuloy din ang pagbuhos ng mga biyaya at pagpapala sa inyong pamilya at sa bago n’yong lilipatang bahay.


Mapalad n’yo namang kulay ang lahat ng hibo o shade ng green para sa labas at loob ng bahay, habang pula at pink naman ang masuwerteng kulay para sa inyong bubong.


Huwag n’yo ring kalilimutang ipa-blessing muna sa isang pari ang bagong bahay na inyong lilipatan, upang mapanatili ang positibong magdadala sa inyo ng suwerte at kaligayahan habambuhay.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 11, 2024



Dear Maestro,


Isa na akong biyuda ngayon. Matagal na rin mula nang mamatay ang aking asawa, kaya naman mag-isa ko na lang itinataguyod ang aming mga anak. 


Apat din ang anak namin, kaya hirap na hirap, lalo na pagdating sa pampinansyal. Baon na rin ako sa pagkakautang, kaya naman naisipan ko nang sumangguni sa inyo para itanong kung puwede ba akong makahingi ng mapalad na numero na maaari kong tayaan sa lotto? 


Sa ngayon ay may maliit akong tindahan, pero wala na ito halos laman. Kaya kung mabibigyan lang ako ng pagkakataon na magkaroon ng malaking puhunan, balak ko sana kumuha ng puwesto sa palengke o kaya sa bayan para mas mabilis akong umasenso at umunlad. 


Ang birthday ko ay April 28, 1985. 

Umaasa, 

Cheska ng Lawang Pari, SJDM, Bulacan


 

Dear Cheska, 


Ang birth date mong 28 o 1 (ang 28 ay 2+8=10/ 1+0=1), ang nagsasabing ikaw ay pinaghaharian ng planetang Sun o Araw, na nagkataon ding 1 ang destiny number mo dahil sa ganitong komputasyon, (4+28+1985=2017/ 20+17=37/ 3+7=10/ 1+0=1). Ibig sabihin, sa panahong maaraw ang kapaligiran, may malaking suwerte kang matatanggap, higit lalo kapag napakainit ng sikat ng araw at maalinsangan ang kapaligiran. Sa panahong ganu’n ang klima sa ating kapaligiran, may malaking suwerte kang matatanggap. 


Bukod sa nasabing panahon ng tag-araw, likas ka ring mapalad tuwing sasapit ang ika-19 ng Mayo hanggang sa ika-28 ng Oktubre at mula sa ika-19 ng Disyembre hanggang sa ika-28 ng Enero. 


Sa mga panahong iyon, panayin mo ang pakikipagsapalaran, sapagkat sa nasabing mga panahon, malaki ang posibilidad na makasapul ka ng jackpot, higit lalo kung ang petsa sa kalendaryo ay tumapat sa 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 5, 14 at 23, lalo na kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Linggo, Lunes at Miyerkules.

Mapalad ka naman sa batong emerald na may kasamang gold na singsing, bilang pantaboy sa negatibong pangyayari at panghigop na rin ng suwerte at magandang kapalaran.


Bukod sa sarili mong numerong 1 at 6, ang 6 ay numero ng zodiac sign mong Taurus, mapalad ka rin sa lahat ng numero na may sumatotal na 8, 4 at 7, tulad ng 17, 26, 35, 13, 22, 31, 40, 16, 25, 34, at 43. Maaari ka ring humugot ng kumbinasyon mula sa numerong hango sa Aklat ng Kabala, 9828/ 1732/ 1627/ 1451.


Samantala, sa taong 2025 hanggang 2026, sa edad mong 40 hanggang 41 pataas, madali kang makakasapul ng jackpot, lalo na kung maghahanap ka ng lotto outlet na nasa harapan ng simbahan at iba pang bahay dalangin, puwede rin ang lotto outlet na nakaharap sa silangan ang pintuan na rehas na bakal. Ang nasabing lotto outlet na nasisikatan ng unang sinag ng araw sa umaga ang magpapatama sa iyo ng jackpot.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 31, 2024



Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil gusto ko nang malaman ang interpretasyon tungkol sa aking kaarawan.


Maestro, ano ba ang mangyayari sa aking kapalaran? Nais ko rin sanang malaman kung ano ang masuwerte kong kulay, araw, buwan at taon? 


Nawa ay matulungan n’yo ako para magkaroon ako ng guide kung paano ako magtatagumpay at liligaya.


Ang birthday ko ay July 1, 1990. 

Umaasa, 

Daisy ng Mt. View, Mariveles, Bataan


 

Dear Daisy, 


Ayon sa birth date mong 1 at zodiac sign na Cancer, mapalad ka sa kulay na dilaw at berde. Habang ang destiny number mo namang 9 (7+1+1990=1998/ 19+98=117/ 11+7=18/ 1+8+9), ang nagsasabing puwede ka ring gumamit ng kulay na pula, pink, lavender at asul.


Ganito ang tamang paggamit, sa tuwing sasapit ang petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22 at 31, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Linggo, dilaw ang gamitin mo.


Tuwing sasapit naman ang petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Lunes at Sabado, berdeng kulay naman ang gamitin mo.


At tuwing sasapit naman ang petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, pula na kulay naman ang gamitin mo. Kapag sawa ka na sa pula, puwede ka namang gumamit ng kulay pink, lavender at asul.


Sa pagpili ng gagamiting kulay, dapat ay pakiramdaman mo rin ang iyong kapalaran. Kumbaga, mahalaga pa rin ang daily diary keeping, lalo na ngayong papasok ang taong 2025, upang doon mo maitala kung may paborable bang nagaganap o nangyayari nu’ng panahong suot o gamit mo ang isang partikular na kulay.


Sa ganu’ng paraan, kapag itinala mo ang mga nangyari sa iyong pang-araw-araw na buhay, higit lalo sa mga mahahalagang okasyon na iyong pinupuntahan, statistically at scientifically speaking mas makakatulong ka sa iyong kapalaran.


Kaya nga masasabing hindi naman talaga nakatakda ang kapalaran o tadhana. Sa halip, bilang isang buhay at lively na indibidwal nagpa-participate lang tayo upang maging aktibo tayo sa paghugis at paghubog ng ating kapalaran. 


Alalahanin mo na ang tao ay nilikha, hindi kagaya ng bato sa tabing-dagat. Sa paghampas ng alon, kusa siyang kumikinis at gumaganda, pero maaari din siyang tangayin ng malakas na alon at ihampas kung saan-saan.  Pero ang tao ay malaya. Oo, malaya niyang magagawa ang kanyang gusto at nais sa buhay. Malaya siyang nakakapamili kung saan niya nais pumunta at makipagsapalaran. Sa pagpili naman ng isusuot na damit o gagamiting kulay, tulad ng naipaliwanag na, malaya ang isang tao na gawin ito, base sa kanyang pakiramdam. 


Kung pakiramdam mo ay doon ka sa partikular na kulay na ‘yun sinusuwerte o kapag suot mo ang kulay na ‘yun ay feeling mo, maganda o guwapo ka, malaya mong suutin ang nasabing kulay. 


Ang sinasabi lang natin ay ang kahalagahan ng pagda-diary keeping o paggawa ng journal, kung saan ang record na ‘yun ay malinaw na basehan upang malaman mo kung saang kulay ka talaga sinusuwerte at nagkakaroon ng magandang kapalaran. 


Kapag nasanay na kayo magtala ng mga pangyayari sa inyong buhay, tulad ng nasabi na, magiging kabahagi na kayo ng tadhana sa paghubog at pagbuo ng inyong kapalaran.


Gayunman, kusa namang iigting ang iyong magandang kapalaran mula sa ika-18 ng Hunyo hanggang ika-27 ng Hulyo, mula sa ika-18 ng Oktubre hanggang ika-27 ng Nobyembre at mula sa ika-18 ng Enero hanggang ika-27 ng Pebrero.


Sa sandaling sinunod mo ang simpleng rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap sa taong 2025, sa edad mong 35, magsisimula ka nang umunlad, hanggang sa tuluy-tuloy ka nang lumigaya at magtagumpay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page