ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | August 10, 2024
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo para itanong kung kailan kaya ako makakapasa sa LET exam? Dalawang beses na kasi akong nagte-take, at lahat iyon bagsak.
Maestro, sa paanong paraan kaya ako susuwertehin? Sana matulungan n’yo ako, gustung-gusto ko na kasing makapasa para makapagturo na ako sa public school.
Ang birthday ko ay August 14, 1998.
Umaasa,
Madelyn ng Poblacion East, Alcala, Pangasinan
Dear Madelyn,
Para makapasa ka sa LET exam, dapat kumuha ka ng exam sa tuwing positibo ang panahon. Ibig sabihin, mag-take ka sa panahong suwerte ka.
Ang panahong ito ay mula sa ika-19 ng Hulyo hanggang sa ika-23 ng Agosto, mula sa ika-19 ng Nobyembre hanggang sa ika-23 ng Disyembre at mula sa ika-19 ng Marso hanggang ika-23 ng Abril.
Dagdag dito, dapat din kapag kumuha ka ng exam at iba pang mahahalagang pagsusulit, gumamit ka ng bagay na kulay gold o silver, halimbawa gumamit ka ng lapis o ballpen na kulay dilaw o gold ang case o lalagyan.
Kailangan ding mapunta sa iyo seat number na may sumatotal na 5 o 7, tulad ng 14, 23, 32, 41, 16, 25, 34, 43 at iba pang uri ng numerong may sumatotal na 7.
Dapat ding matuon ang petsa ng exam sa 4, 7, at 5, dahil ang mga numerong ito ang mapalad para sa iyo, bukod sa numerong may sumatotal na 4, 7 at 5, kung minsan significant din sa iyo ang numerong 8.
Dapat din maikli lang ang tabas ng iyong buhok tuwing ika’y kukuha ng exam at iba pang mahahalagang pagsusulit, upang masagap mo ang positibo at manining na aura na siyang hihigop ng suwerte at magandang kapalaran sa panahon ng pagkuha ng exam.
Panghuli, sa pagkuha ng exam dapat ka ring magsuot ng paborable mong alahas o talisman, at ang paborable mong alahas o talisman ay ang alahas na sardonyx o diamond na pinalamuti sa gold na singsing.
Samantala, ayon sa Decadens ng iyong Kapalaran ang masuwerteng taon mo ay hindi lang sa pagkuha ng exam kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay ay sa susunod na taong 2025, ganundin sa taong 2026, sa nasabing panahon sa edad mong 28 pataas, walang duda makakapasa ka na sa LET exam at sa panahon iyon matutupad mo na rin sa wakas ang malaon mong pangarap na makapagturo sa public school, maging isang lisensyado at ganap na teacher.
Matapat na sumasaiyo,
Maestro Honorio Ong