top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 25, 2024



Dear Maestro, 


Maraming beses na akong nag-abroad. Kaya lang, naubos na ang ipon ko at ngayon ay balak ko na naman sanang bumalik sa dati kong amo. Wala naman din umanong problema sa kanila kung gusto kong bumalik.  


Maestro, matutuloy ba ako ngayong taon sa binabalak kong pagbalik sa dati kong amo? Ayon sa mga amo ko, mag-ayos na raw ako ng mga papeles at sila na raw ang bahala sa visa ko.


Pagdating naman sa pag-ibig, wala pa akong boyfriend. Kailan kaya ako magkaka-boyfriend at makakapag-asawa?


Ang birthday ko ay October 9, 1989.

Umaasa,

Baby Lyn ng Bagumbayan, Pililla, Rizal


 

Dear Baby Lyn, 


Ayon sa birth date mong 9 at destiny number na 1, (10+9+1989=2008/ 20+08=28/ 2+8=10/ 1+0=1), kailangan mong magpakumbaba at ‘wag masyadong mag-angas para mas madali mong makamit ang ligaya at tagumpay, hindi lang sa pag-a-abroad at career, kundi pati na rin sa pag-ibig.


Muli ka namang makakabalik sa ibang bansa, lalo na kung gugustuhin mo talaga dahil nagtataglay ka ng destiny number 1, ‘yun nga lang, ‘wag mo agad ipagsasabi o ipapamalita ang iyong mga plano at ginagawa ngayon, dahil habang secret lang ang iyong pag-a-apply, mas mabilis kang makakalipad patungong ibang bansa.


Kaya mas maganda kung ilihim mo lang ang ginagawa mong pag-a-apply sa abroad na ang maaaring senaryo ay ‘yun bang sa sandaling nalaman ng mga taong malalapit sa iyo o nakapaligid sa iyo ay magugulat na lang sila dahil papaalis ka na.


Sa aktuwal na buhay, minsan kasi mentras ikinukuwento natin ang ating mga balak at plano sa buhay, akala nila nagpapainggit o nagyayabang lang tayo, kaya ang tendency, lihim o sa mas saktong salita, sa likod ng kanilang iniisip, wini-wish tuloy nila na sana mabigo ka, dahil ang yabang mo kasi!


Madalas mangyari ang ganitong kaganapan, lalo na sa mga taong kontrabida na akala mong nagyayabang nang nagyayabang na ubod ng galing na tila minamaliit lagi ang kaharap o ang kausap. Kaya pag-alis nitong kontrabidang tao na ito, sa isip-isip ng kausap niya, “Madapa at mabigo ka sana!”


Ganu’n ‘yun! Kaya minsan, mas mainam pang ilihim na lang natin ang ating mga plano at binabalak sa buhay, kapag nand’yan na, aabutin mo na lang ang tagumpay, du’n mo na lang sa kanila ibida. 


Sa ganu’ng paaran, hindi na sila makakakontra at hindi na sila makakapag-wish ng masama laban sa iyo, dahil hawak mo na ang tagumpay at papaalis ka na talaga patungong ibayong dagat.


Upang mas madali kang makapag-abroad, tulad nang nasabi na, ilihim mo lang ang iyong mga binabalak at pinaplano, lalo na sa mga inggitera, dalahirang kapitbahay at sa mga kaibigang magaling gumawa ng kuwento upang hindi nila makontra ang iyong layunin na muling makapag-abroad. 


Pangalawa, palagi kang magsuot ng kulay na pula, dahil ang birth date mong 9 ay nagtataglay ng ruling planet na Mars. Ibig sabihin, sa anumang pagkakataon, sitwasyon at pangyayari, mas mananaig sa iyong puso at isipan ang katapangan. ‘Yun nga lang, kung minsan ito ay sumosobra na kaya hindi mo nakakalkulang mabuti ang susunod na mangyayari.


At dahil Mars ang ruling planet ng numero mong 9, may mga sitwasyon din na may mga nakakaaway ka. Iwasan mo rin ang mga bagay na ito, kailangan marunong kang magpasensiya, magmahal at magtiis, lalo na sa mga negatibong ugali ng iyong mga kakilala at kasama. 


Kung mapagkumbaba, mapagmahal at umiiwas ka sa mga intriga, mas madali mong mapipitas ang isang maunlad, masaya at panghabambuhay na tagumpay at kaligayahan.  


Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, makikita mo, sa taon ding kasalukuyan, sa huling linggo ng Disyembre, pinakamatagal na sa susunod na taon, sa buwan ng Enero, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.    


Habang ayon naman sa iyong Love Calendar, kapag nasa ibang bansa ka na, sa taong 2026, sa edad mong 37 pataas, isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Aquarius ang darating at manliligaw sa iyo, na sa bandang huli ay siya mo na ring mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 23, 2024



Dear Maestro,


Magti-34-anyos na ako sa darating na December 7. Itatanong ko lang sana kung may pag-asa pa ba akong makapag-asawa kahit na wala naman akong nobyo ngayon? 


Kung sakaling may chance pa akong magka-boyfriend at makapag-asawa, kailan kaya ito mangyayari at magaganap? 


Ang birthday ko ay December 7, 1990.

Umaasa,

Nymph ng Tinamnan, Lucban, Quezon


 

Dear Nymph,


Ayon sa birth date mong 7 ito ay isang weak number o mahinang numero na umiimpluwensiya sa iyong kapalaran, kaya naman medyo natatagalan bago ka magka-boyfriend at makapag-asawa.


Sa halip na weak number na 7 ang mamayani sa iyong buhay at kapalaran, ang mas dapat na mas mamayani ay ang zodiac sign mong Sagittarius, para medyo tumapang ang iyong dating.


Actually, hindi naman totoong strong ang ibig sabihin kundi ang saktong salita ay maging assertive at magkaroon ka ng tiwala sa iyong sariling kagandahan. Para mangyari iyon, dapat kang magsuot ng kulay na pula. Bukod sa kulay na pula, puwede rin ang kulay na dilaw at itim, higit lalo tuwing sasapit ang petsang 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 8, 17 at 26, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Lunes, Sabado at Linggo.


Isuot naman ang kulay na pula, tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.


Dagdag dito, dapat ding magpahaba ka ng buhok, magpaganda, magpa-sexy at magpabango, nang sa gayun ay lumutang nang husto ang pagiging Sagittarius mo.


Kapag nagawa mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas, pagamit ng tamang kulay at pagpapalutang ng zodiac sign mong Sagittarius sa iyong kapalaran – tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2025, magkaka-boyfriend ka na ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Aries. 


Pagsapit na pagsapit naman ng taong 2026 o 2027, sa edad mong 36 pataas, si Mr. Aries na rin ang iyong mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 20, 2024



Dear Maestro, 


May inaalagaan akong mga numero. Ang kaso, isang taon ko na iyong tinatayaan, pero hindi pa rin ako tumatama. 


Maestro, dapat ko pa bang ipagpatuloy ang pagtaya sa mga numerong iyon, o dapat ko na itong palitan ng iba at bagong numero?


Kung magbabago naman ako ng numero, ano’ng numero ang suwerte para sa akin? 

Nu’ng kalagitnaan ng taong 2024, sinubukan ko ring mag-apply sa abroad, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tinatawagan. Kaya nais ko rin sanang itanong sa inyo kung kailan kaya ako matutuloy sa pangingibang-bansa bilang isang seafarer? 

Ang birthday ko ay May 14, 1994.  

Umaasa,

Lawrence ng Lambakin, Jaen, Nueva Ecija


 

Dear Lawrence, 


Ang birth date mong 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5) sa destiny number na 6, naging 6 ang destiny number mo, dahil ang May 14, 1994 ay kinokompyut ng ganito


5+14+1994=2013/ 20+13=33/ 3+3=6, habang ang zodiac sign mo namang Taurus ang nagsasabing mapalad ka sa lahat ng numerong may sumatotal na 5, 8, 3 at 6, sa mga grupong nabanggit ka dapat humugot ng numero para makatikim ka ng malaking panalo.


Halibawa, sa grupo ng 5, kabilang ang mga numerong 14, 23, 32, 41, at iba pa na may sumatotal na 5.


Sa grupo naman ng 8, kabilang dito ang mga numerong 17, 26, 35, 44, at iba pa na may sumatotal na 8.


Sa grupo naman ng 3, kabilang dito ang mga numerong 12, 21, 30, 39 at iba pa na may sumatotal na 3. 


Samantala, sa grupo ng 6, kabilang dito ang mga numerong 15, 24, 33, 42 at iba pa na may sumatotal na 6.


Ngayon, kung kabilang sa nasabing mga grupo ang inaalagaan mong numero, tiyak ang magaganap – sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, hindi ka dapat mainip at hindi ka rin dapat magpalit ng mga numerong iyong inaalagaan, sapagkat tiyak ang magaganap, darating at darating din ang saktong panahon na masasapul mo rin ang jackpot.


Mapalad ka naman tuwing sasapit ang ika-23 ng Disyembre hanggang ika-27 ng Enero, mula ika-23 ng Abril hanggang ika-27 ng Mayo at mula ika-23 ng Agosto hanggang ika-27 ng Setyembre, higit lalo sa araw ng Miyerkules, Huwebes at Biyernes, sa mga petsang 5, 14, 23, 9, 18, 27, 6, 15 at 24.


Asul, gray, puti at pula naman ang mapalad at masuwerte mong kulay na dapat mong isuot sa tuwing may mahalaga kang lakad at sa iba pang gawaing na may kaugnayan sa pakikipagsapalaran. Samantala, ang violet at lilac ay maaari mo ring ipamalit sa kulay na pula, kapag sawa ka na sa nasabing kulay.


Ka-compatible mo naman ang mga taong isinilang sa zodiac sign na Virgo, Capricorn, Scorpio, Libra at kapwa mo Taurus. Sa kanila ka sumama at makipagkuwentuhan, dahil ang nasabing mga nilalang ay makakatulong sa iyo lalo na sa iyong career at aspetong pangkabuhayan.


Habang ayon naman sa iyong Travel Calendar, sa taong 2026, sa edad mong 32 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pagbabarko ang itatala sa iyong karanasan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page