top of page
Search

ni Eli San Miguel @News | Dec. 11, 2024



Photo: XSR Adventures


Kabuuang 39,258 katao o 9,942 pamilya ang nailikas na sa gitna ng aktibidad ng Bulkang Kanlaon, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) ngayong Miyerkules.


Sa isang press conference, sinabi ni OCD Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na target ng mga otoridad na ilikas ang 84,549 katao o humigit-kumulang 17,000 pamilya mula sa anim na kilometrong danger zone.


Noong Lunes, sumabog ang Bulkang Kanlaon, na nagresulta sa makapal na usok na mabilis na umakyat sa taas na 4,000 metro.


Naiulat ang pag-ulan ng abo, at bumaba ang pyroclastic density currents (PDCs) sa bulkan.


Itinaas ang Alert Level 3, na nangangahulugang “intensified or magmatic unrest,” sa Bulkang Kanlaon.

 
 

ni Angela Fernando @News | Dec. 10, 2024



Photo: Bulkang Kanlaon - Phivolcs


Ikinagulat ng mga residente ng Negros Island ang biglaang pagsabog ng Bulkang Kanlaon dahil sa malalakas na pagyanig at pagbagsak ng abo.


Simula sa pagsabog noong Lunes, humigit-kumulang 3,940 pamilya ang inilikas mula sa Negros Occidental at Negros Oriental, ayon sa mga opisyal ngayong Martes.


Sa Negros Oriental, sinabi ni Edgar Posadas, tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD), na sapilitang inilikas ang humigit-kumulang 1,800 pamilya mula sa limang barangay na nasa loob ng anim na kilometrong danger zone ng bulkan.


Samantala, iniulat ni Irene Bel Poteña, pinuno ng provincial disaster risk reduction and management offices (PDRRMO) ng Negros Occidental, na 2,140 pamilya ang inilikas sa lalawigan, kabilang ang 1,132 mula sa La Castellana, ang pinakamalubhang naapektuhan.


Kasama rin sa mga apektadong lugar ang La Carlota City (673 pamilya), Pontevedra (200 pamilya), Bago City (131 pamilya), at Moises Padilla (4 na pamilya).

 
 

ni Lolet Abania | November 29, 2020




Nagtala ang Kanlaon Volcano ng tatlong volcanic earthquakes sa loob lamang ng 24-oras, ayon sa bulletin na inisyu ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Linggo.


Sa ulat ng Phivolcs, naglabas din ang naturang bulkan ng sulfur dioxide emission na umabot sa average na 336 tonnes/day noong Martes, November 24.


Mula noong June, 2020, may pagkakataon na nagkaroon ng bahagyang inflation sa lower at mid slopes ng bulkan, base ito sa ground deformation data mula sa isinasagawang GPS measurements ng ahensiya.


Sa obserbasyon pa ng Phivolcs, ito ay nagbabadya ng hydrothermal o magmatic processes sa pinakailalim ng bulkan.


Inilagay na rin sa Alert Level 1 ang buong lugar sa Kanlaon Volcano dahil sa nananatili itong nasa abnormal condition o tinatawag na period-of-unrest.


"Hindi naman po ito karamihan pero ang mga volcanic earthquakes na naitala natin at pamamaga ng bulkan ay ibig sabihin, abnormal ang kondisyon ng bulkan pero wala naman dapat ikaalarma," sabi ni Phivolcs Officer-in-Charge at Science and Technology Usec. Renato Solidum Jr.


"Ang importante ay hindi sila (residente) papasok sa apat na kilometro na permanent danger zone," sabi pa ni Solidum.


"May mataas na posibilidad na magbuga ng usok pero dahil ito sa pagkulo ng tubig," ani Solidum. "'Yan din ang sanhi ng pamamaga ng bulkan."


Gayunman, karamihan sa naging eruptions ng Kanlaon Volcano ay hindi nakapaminsala nang husto subalit ang huling pagputok nito ay naglabas ng magma na naganap noong 1900s, ayon kay Solidum.


"Araw-araw tayo nagpapalabas ng impormasyon," ani Solidum.


Pinapayuhan ng ahensiya ang lahat ng residente na maging mapagmatyag at mag-ingat anumang oras.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page