ni Jeff Tumbado | February 16, 2023
Pinag-iingat ni dating Senador Nikki Coseteng ang gobyerno ng Pilipinas sa binabalak na pagbuhay ng mga base-militar sa ilalim ng Enhance Defense Cooperating Agreement (EDCA).
Sa Pandesal Forum sa Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City, ipinahayag ni Coseteng ang pagkabahala sa aniya’y unti-unting pagpapagamit ng Pilipinas sa Amerika kaugnay sa plano nito na makidigma laban sa China.
May duda ang dating senador na ginagamit lamang ng U.S. ang Pilipinas upang itulak nito na labanan ang China dahil sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Wala umanong naidulot ang U.S. Military Bases sa bansa noong 1990s bagkus ay nagresulta lamang ng paglaganap ng prostitusyon, krimen at ilegal na droga.
Tinukoy pa ni Coseteng na bagsak din ang ekonomiya sa Olongapo City noong naroon ang military base ng U.S. dahil wala naman itong nalikhang malaking trabaho para sa mga Pilipino.
Idinagdag ng dating mambabatas na gagamitin lamang ng mga Amerikano ang bansa para isulong ng U.S. government ang sarili nitong interes na negosyo ng armas tulad ng ginagawa ngayon sa Ukraine.
Matutulad lamang aniya ang Pilipinas sa ibang mga bansa gaya ng Ukraine, Egypt, Vietnam at Iraq na nalugmok sa kahirapan bunsod ng giyera na ginawa ng United States.