ni Ka Ambo @Bistado | Nov. 7, 2024
BRICS versus G7.
Pilipinas, naiipit na naman.
-----$$$--
IPINAKIKITA ng India at Indonesia ang pagiging neutral sa away ng US at China.
Iyan ang disposisyon at kumbiksiyon.
May existing template naman!
-----$$$--
HINDI kasi puwede na magpadikta sa US.
Lalong hindi puwedeng magpa-unggoy sa China.
-----$$$--
SA aktuwal, ang Konstitusyon ng Pilipinas ay nag-aatas ng pagiging neutral ng bansa.
Kailangan pumostura ang ‘Pinas tulad sa India at Indonesia.
-----$$$--
SA totoo lang, nagtagumpay si ex-PRRD na makalas ang kadena na isinakal ng US sa ‘Pinas.
Ang problema, nabigo siya na ipakita na “hindi siya nakahapay” sa Tsekwa.
-----$$$--
ISANG karismatikong lider lamang ang maaaring makagawa ng diskarte ng India at Indonesia.
Ang lantay na Ideolohiyang Pilipino ay dapat nakapundasyon sa Saligang Batas — at iyan ay ang pagpostura bilang “neutral na bansa”.
----$$$--
MAHIRAP mamangka sa dalawang ilog.
Pero, puwedeng maglangoy sa dalawang swimming pool.
----$$$--
KUNG susuriin natin, ang pagiging neutral ang nais ibunsod at isinusulong ni Sen. Imee, pero wala lang kakayahan ang kanyang mga ayudante na maipaliwanag ito sa ordinaryong tao.
Hindi kasi simple ang prinsipyo at paninindigang “non-aligned nation”.
----$$$--
MASELAN ang isyu sa ideolohiya lalo pa’t may kaugnayan sa pagkalag ng tali mula sa impluwensiya ng US.
Aakusahan kasi ang mga nagsusulong nito na “maka-komunista” kahit hindi naman isinusulong ang pagyakap sa China.
-----$$$--
INILILIHIS kasi ng ilang propagandista ang tunay na konteksto ng mga pahayag, impormasyon at mensahe.
Dapat ay magkakambal palagi na tinutukoy ang pag-iwas na magpadikta sa US at China kung saan dapat na idinurugtong agad — ang ibayong “pagmamalasakit at pagmamahal” sa Republika.
-----$$$--
SA dinami-dami ng kandidatong senador, may isa man lamang bang nagbubunsod na isulong ang ganap na ideolohiyang maka-Pilipino?Karaniwan sa kanila ay kontra korupsiyon, kuno.
Pero, kapag nanalo, lihim na magtatanong: May pork barrel ba tayo r’yan?
Ho! Ho! Ho!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.