ni Eli San Miguel - Trainee @Entertainment | April 25, 2024
Magbibigay ng sorpresang music video ang K-Pop boy group na SEVENTEEN para sa apat na bagong kanta mula sa kanilang nalalapit na comeback album na may pamagat na "17 Is Right Here."
Sa social media platform na X, naglabas ang 13-member group sa ilalim ng Pledis Entertainment ng mga release dates para sa mga music videos, na magsisimula sa title track na "Maestro," na ilalabas kasama ng album sa Abril 29.
Susundan ito ng isang music video para sa "LALALI," ang kanta na ini-record ng hip-hop unit ng grupo na binubuo nina S.Coups, Wonwoo, Mingyu, at Vernon. Ilalabas ito sa Mayo 10.
Sa Mayo 17, maglalabas ang performance team nina Hoshi, Jun, The8 at Dino ng music video para sa kanilang unit song na "Spell."
Sa wakas, ilalabas naman ng vocal unit na binubuo nina Woozi, Jeonghan, Joshua, DK, at Seungkwan ang video para sa kanilang kanta na "Cheers to Youth" sa Mayo 24.
Noong nakaraang taon, ang extended play ng SEVENTEEN na "FML" ay itinanghal bilang best-selling album sa buong mundo, na nakapagbenta ng 6.4 milyong units, ayon sa International Federation of the Phonographic Industry.
‘Di maikakaila na isang tanyag na boyband mula sa South Korea ang SEVENTEEN dahil sa kanilang kahusayan sa musika. Binansagan ang grupo bilang "self-producing" idol group, kung saan may kontribusyon ang mga miyembro sa songwriting, music production, at choreographing.