ni Justine Daguno - @Life and Style | March 10, 2021
Literal na ‘masarap sa pakiramdam’ kapag regular nating nailalabas ang lahat ng toxins natin sa katawan — in short, regular ang pag-‘ebs’. Marami sa atin ang kasama na sa pang-araw-araw na gawain ang pagpunta sa C.R. para maglabas ng ‘sama ng loob’, masuwerte sila dahil healthy ‘yun. Pero para sa ilan na kahit ano’ng dami ng kain ay tila hirap pa rin pagdating sa ganyang routine, narito ang ilang tips para sa inyo:
FIBRE ANG SAGOT. Ang fiber ay matatagpuan sa prutas, gulay, nuts, seeds at grains. Ang wholegrain bread, pasta at cereals ay mayaman din sa fiber. Kapag mataas ang konsumo natin sa mga nasabing pagkain, mas madaling nakakapag-function ang digestive system kaya’t hindi nahihirapan o nagiging maganda ang paglabas ng dumi.
UMINOM NG MARAMING TUBIG. Kapag constipated, nagiging matigas ang poops. Kaya’t makabubuti na palaging uminom ng tubig — sikaping makainom ng walo hanggang 12 baso ng tubig araw-araw. Malaki ang naitutulong ng sapat na tubig sa katawan para maiwasan ang constipation o hirap sa pagdumi.
MAGLAKAD-LAKAD. Ang kakulangan sa ehersisyo ay isa sa mga dahilan kung bakit hirap sa pagdumi ang tao. Kailangang regular na naigagalaw-galaw ang katawan nang sa gayun ay maiwasan ang constipation. Hindi kailangan ng heavy workout o pangmalakasang activities dahil ang simpleng paglakad-lakad ay maaaring maikonsidera bilang ehersisyo.
PAKIRAMDAMAN ANG KATAWAN. Madalas, kapag nakararamdam ng ‘pagtawag ng kalikasan’ ay iniiwasan ito lalo na kapag nasa labas o hindi komportable sa lugar, gayundin kapag maraming ginagawa. Ito ay maling gawain sapagkat nakapagti-trigger ito ng constipation. Kung nakaramdam na nadudumi, ‘wag magdalawang-isip, gumawa ng paraan mailabas ito at hindi maipagpaliban.
RELAKS LANG. ‘Ika nga, kapag ang isang bagay ay pinipilit, masakit. ‘Wag pilitin ang katawan sa pagdumi, dapat relax lang. ‘Wag masyadong ma-pressure dahil once na ipinilit ito, imbes na makabuti, almoranas o iba pang sakit lang ang mapapala mo.
Normal sa sistema ng tao ang pagbabawas, sa totoo lang ay mas regular, mas healthy. Tandaan na sa tamang lifestyle at sapat na pagkain ay magagawa natin ito nang natural. Gets mo?