ni Justine Daguno - @Life and Style | June 13, 2021
Lumabas ang pagiging madiskarte nating mga Pinoy dahil sa pandemya, masuwerte ang mga nanatili sa kani-kanilang regular na trabaho, pero dahil maraming nagsaradong negosyo, nauso nang sobra ngayon ang mga online business. May ilan na ginawang negosyo ang kanilang mga hilig sa buhay tulad ng baking, pagluluto, pagdo-drawing at marami pang iba. Kaya naman, para mas ma-promote ang inyong business online, narito ang ilan sa mga puwede nating gawin:
PALAKASIN ANG SOCIAL MEDIA. Halos lahat tayo ay mayroong social media account at marami sa atin ang malaki ang oras na naigugugol dito. Kung ikaw ay may business, siguraduhing active ang lahat ng iyong social media accounts nang sa gayun ay madaling makikita o makikilala ng mga tao ang iyong produkto kahit nasa malayong lugar man sila.
SUBUKANG MAG-BLOG. Maaari ring gumamit ng blogging sa libreng pagpo-promote ng negosyo online. Kilalaning mabuti ang iyong produkto nang sa gayun ay madali itong maipakikilala sa publiko.
MAG-JOIN SA MGA ONLINE COMMUNITY. Bukod sa pagpo-post gamit ang sariling account, oks din kung sasali sa mga online community, tulad ng mga barter, buy & sell at iba pa na may kaugnayan dito. Sa ganitong community, marami ang mga nakare-relate at talagang susuporta sa inyong negosyo.
GAMITIN ANG KONEKSIYON. Iba pa rin ang nagagawa ng ‘support system’ sa negosyo. Hangga’t kaya humingi ng tulong sa mga kaibigan o kakilala, gawin ito para mas makahikayat ng mas maraming customer.
Dahil parte na ng araw-araw ang teknolohiya, ‘ika nga ay ‘i-embrace’ na lang ito. Lahat ng diskarte ngayon ay mahalaga at malaking bagay ito para maka-survive sa pang-araw-araw na pangangailangan. Good luck!