ni Justine Daguno - @Life and Style | October 24, 2021
Bukod sa sipag at tiyaga, kailangan din ng diskarte para umasenso ang buhay. ‘Ika nga nila, “Hindi lahat ng may trabaho ay yumayaman, kailangan ng extra income”. Siyempre, ‘pag sinabing “extra income”, r’yan na papasok ang pagnenegosyo. True naman, malaking tulong ang business, lalo na sa panahon ngayon kung saan wala namang dagdag-suweldo pero patuloy na taas-presyo ang mga bilihin. Kaya naman, narito ang ilang business ideas na siguradong magpapayaman sa ‘yo:
1.RICE RETAIL. Karamihan sa ating mga Pinoy, hindi kumpleto ang almusal, tanghalian at hapunan kapag walang kanin — in short, rice is life. Malabong malugi ang mga rice retail business dahil hindi ito seasonal, umulan man o bumagyo ay may bibili ng bigas dahil prayoridad ng marami ang kanin.
2. WATER STATION. Tulad ng bigas, pangunahing pangangailangan din ang tubig, lalo na ang malinis na inuming tubig. Marami ang tumatangkilik nito, partikular ang pamilyang may baby, pasyente at iba pang maselan sa inuming tubig.
3.MINI GROCERY STORE. Mas gusto ngayon ng mga tao ang convenience, kaya mas malaki ang kita ng mini groceries sa lugar na may kalayuan sa lokal na pamilihan. Kapag nasa ganitong lugar kayo, maaaring pag-isipan ang business na ‘to. Oks din naman magtayo nito sa public market dahil maraming potential customers sa ganitong lugar.
4. FOOD CATERING. Dahil mahalaga talaga ang convenience, tumataas na rin ang demand ngayon sa catering service. Mas pinipili kasi ng karamihan ang magpaluto, lalo na kung malakihan ang events dahil menos-gastos. Iniisip kasi nila, hindi na kailangang mamalengke, mag-asikaso o mag-prepare ng mga iluluto saka magluluto. Kaya naman, sobrang goods ito kapag may talent at hilig sa pagluluto dahil nagagawa na ang passion at sure pa ang kita.
5.BAKERY. Kung mahilig ka naman mag-bake at gustong mag-level up, puwedeng-puwede itong gawing business. Isa sa mga paboritong meryenda o pantawid-gutom ng mga Pinoy ang tinapay, lalo na kapag may bisita o trip lang magkape. Sa simula, maaaring magpa-order online upang makilala ang produkto hanggang sa magkaroon ng sapat na puhunan at makapagpatayo ng bakeshop.
6. JUNKSHOP. Truly ang kasabihang, “May pera sa basura.” Sa katunayan, malaki ang puwedeng kitain sa pagdya-junkshop dahil ‘rekta ito sa produkto at hindi kailangan ng bonggang puwesto. Pero siyempre, bago ito simulan ay siguraduhin munang pag-aaralan ito nang sa gayun ay mapakinabangan ang “basura” at hindi mapunta sa wala.
Habang tumatagal ay mas nalalaman natin ang kahalagahan ng bawat salapi na ating pinagpapaguran, kaya dapat itong gamitin sa tama. Sa pagnenegosyo, unang hakbang ang paglalabas ng puhunan, kaya pag-isipan munang mabuti bago ito pasukin. Tandaan, tayo ay magnenegosyo dahil kailangan nating kumita, at hindi para magkaroon ng pagsisihan.
Good luck!