ni Justine Daguno - @Life and Style | November 6, 2021
“Bakit hindi ako yumayaman?” Isa ka ba sa mga nakapagtanong na niyan sa iyong sarili? Tipong kahit ano’ng sikap at tiyaga, tila mailap ang pag-asenso? Naku, maraming dahilan ‘yan. Posibleng ito’y dahil madalas magkaroon ng maling desisyon, hindi balanse ang lifestyle, masyadong pressured sa mga tao sa paligid at iba pa. Well, para mabawasan ang mga iniisip mo sa buhay, narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin yumayaman:
1. WA’ PAKI SA UTANG. Ikaw ba ‘yung tipong utang here, utang there? Naku, maling desisyon ‘yan sa buhay. Ang pagkakaroon ng utang ay isa sa mga dahilan kung bakit hindi umuunlad ang tao. Hangga’t makakapagtiis o makakapagsakripisyo ay ‘wag humiram na pera, lalo na kung para lang naman sa luho o hindi importanteng bagay.
Domino-effect kasi ‘yan, ‘pag nangungutang ang tao ay hindi rin ito nakakapag-ipon. At kapag walang ipon, malabong umasenso.
2. HINDI INIISIP ANG BUKAS. Sa ayaw o sa gusto natin, magkakaiba ng pribilehiyo sa buhay ang bawat tao, kaya kung ikaw ‘yung tipo na “isang kahig, isang tuka”, mali naman yata na puro YOLO ka. ‘Ika nga, mabuhay nang naaayon sa financial status. Walang masama sa pag-e-enjoy, pero dapat ‘wag kalilimutang may bukas pa na kailangan din ma-survive. ‘Wag buhus-buhos biyaya, tapos bukas tunganga.
3. WALANG ‘MONEY PLAN’. Ang pagkakaroon ng plano sa pera ay malaking hamon na dapat nating napapagtagumpayan. Sobrang mali ‘yung once na matanggap ang suweldo ay iwi-withdraw lahat, tapos saka pa lang pag-iisipan kung saan mapupunta ang bawat sentimo. Mas oks siguro kung bago pumunta sa ATM machine, gumawa muna ng listahan, para man ito sa bayarin, pambayad-utang o pang-savings. Goods ito dahil naiiwasan ang pagkalito at pagkakaroon ng mga hindi inaasahang gastusin.
4. HINDI MARUNONG IHIWALAY ANG KAILANGAN SA GUSTO LANG. Isa pa sa mga pagkakamaling nagagawa ng marami sa atin ay ang kawalan ng kaalaman sa paghihiwalay sa mga gastusin para sa mga bagay na kailangan at kagustuhan lamang.
Ito’y simple lamang, palaging unahin ang mga bagay na kailangan at kapag may sumobra sa budget, puwede na bigyang-pansin ang mga bagay na gusto lang.
5. WALANG PAGSUNOD SA BUDGET. May mga tao na may listahan nga at alam ang kailangan sa gusto lamang, pero hindi naman kayang panindigan. Hindi kayang kontrolin ang sarili laban sa tukso, kaya ang ending ay nawawala na sa budget. Kapag gumagawa ng budget, dapat committed at disiplinado, ‘wag ito hayaang masira nang sa gayun ay mapunta sa bagay na kapaki-pakinabang ang perang pinaghirapan natin.
Marami sa atin ang hirap sa paghawak sa pera, hindi dahil sa hindi madaling kumita o walang oportunidad, kundi dahil mahirap kalaban ang sarili at ang mga bagay-bagay sa paligid.
Maraming maaaring makaapekto sa diskarte natin sa paghawak sa pera. Sa totoo lang, wala naman yata talagang sikreto sa pagyaman, pero kung magkakaroon ng disiplina, matututong magsakripisyo at higit sa lahat ay magiging wais, hindi malayong makamit ang pag-asenso at tagumpay.
Gets mo?