ni Justine Daguno - @Life and Style | September 5, 2020
“Ayoko na, quit na ‘ko!”
Sa dami ng mga nangyayari sa paligid—kaliwa’t kanan ang mga balita o impormasyon na talaga nga namang sumusubok sa ating emosyon. Marami sa atin ang nakararamdam ng lungkot, takot o simpleng pagkabagot. Pero sa kabila nito, walang problema kung sabihin mo na ‘hindi ka okay’—valid ‘yan sa anumang pagkakataon.
Kaugnay nito, sa ating artikulo ngayon, nais nating ibahagi ang ilan sa mga bagay na maaari nating panghawakan nang sa gayun ay makapagpatuloy pa rin sa kabila ng tila hindi matapus-tapos na struggle:
1. Gawing realistic ang expectations. Oks lang mag-expect ng mga bagay-bagay pero dapat balanse ito, ‘wag masyadong lumayo sa katotohanan. Realtalk, hayaan nating mag-sink in ang lahat—kahit minsan ay hindi katanggap-tanggap. Makatutulong ito upang mas lumawak ang ating pag-intindi sa mga nangyayari.
2. Isipin ang dahilan kung bakit nagsimula. Bakit nga ba natin sinimulan ang isang bagay? Ito ang gasgas nang katanungan kapag pakiramdam natin ay pinaghihinaan na tayo ng loob na magpatuloy. Marahil, ito ay dahil may pamilya tayong kailangang suportahan, may mga bagay pa na gusto nating magawa, may mga maling desisyon pa tayong nais itama, at marami pang iba. Maaaring kumuha ng papel saka ilista ang mga ito.
3. Makipag-usap sa mga taong pinagkakatiwalaan. May mga problema na maaaring ma-solve kahit mag-isa, pero meron ding mga suliranin na kailangan ng tulong ng iba. Maaaring humingi ng payo o ideya sa mga taong iyong pinagkakatiwalaan. ‘Ika nga, kapag isine-share natin ang ating mga nararamdaman, mas nakakagaan ng damdamin. Ganern!
4. Sumali sa mga groups. Halos lahat tayo ay may access ngayon sa internet. Maraming groups o samahan sa social media ang maaari nating maging outlet—puwedeng mag-rant imbes na sinasarili lamang. Maaari rin tayong makakuha ng mga makabuluhang payo mula sa mga tao na hindi man kakilala, pero may experience na sa sitwasyon.
5. Huminto muna sandali. Kung social media naman ang dahilan kung bakit hindi tayo oks, subukan ang socmed detox. I-deactivate muna ang mga hindi kailangang platforms at mag-focus sa pagbabasa, pagsusulat, pakikinig ng kanta at iba pang basic hobbies. Ganito rin ang maaaring gawin kung trabaho naman ang problema.
Sabi nga nila, masuwerte ang mga taong marunong mag-handle ng sitwasyon pero hindi lahat ay may kaparehong kakayahan, may iba ang solusyon ay pagsuko na lang. Sa kabila ng mga struggle na ating nararanasan, patuloy lamang tayong kumapit. Magdasal, maniwala at magtiwala lamang, mga ka-BULGAR!