ni Justine Daguno - @Life and Style | October 10, 2020
Tradisyon na ng maraming Pinoy ang maagang paghahanda sa Pasko kung saan wala pa man sa mismong buwan ng nasabing selebrasyon ay sobrang nae-excite na sila sa pagplano o sa mga bagay na kanilang gagawin.
Marahil ay kaliwa’t kanan na naman ang mga pamilihan, kani-kanyang diskarte na rin sa pagsa-shopping. Ngunit dahil iba ang senaryo natin ngayon, kung saan may kinahaharap na pandemya ang buong mundo ay kailangang mas pag-isipan at prayoridad palagi ang kaligtasan.
Kaya naman, bago ang lahat ay narito ang ilan sa ating mga safety tips para sa mga magki-Christmas shopping ngayong panahon ng pandemic:
1. MAGING ALERTO. May pandemya man o wala, kailangang maging alerto sa lahat ng pagkakataon. Maging mapagmasid at palaging sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols sa bawat establisimyento. Mag-doble-ingat dahil hindi lamang mandurukot o kawatan ang ating kalaban, kundi maging ang hindi nakikitang virus.
2. SIGURADUHING MAY LISTAHAN. Bukod sa sobrang useful ito para hindi mawala o makasunod sa budget, kapag may listahan ay siguradong iwas-hassle talaga. Alam agad natin ang mga kailangang bilhin, kaya naman siguradong mabilis tayong matatapos sa pamimili at hindi na masyadong mae-expose pa sa labas na pinakaiiniwasan natin.
3. ‘WAG KALIMUTAN ANG BASIC. Bago lumabas at magpaka-“tribute mode”, siguraduhin munang ready ang lahat ng basic ngayong ‘new normal’. I-check at ‘wag kalimutan ang facemask, face shield, alcohol o hand sanitizer, quarantine pass, gloves (optional), eco bag at sariling ballpen para sa pagsagot sa contact tracing form. Walang masama kung ‘OA’ ang pag-iingat, dahil hindi lamang ito para sa atin kundi para rin sa ating pamilya at kapwa.
4. MAG-ONLINE SHOPPING. Ang pag-o-online shopping pa rin ang da best na ideya ngayong may pandemic. Bukod sa hindi mas hindi tayo masyadong exposed sa labas ay nakatutulong din tayo sa iba na sa ngayon ay ito ang ‘source of income’. Siguraduhin lamang na mag-iingat sa mga modus na nauuso rin online.
Habang tumatagal ay papalapit na talaga nang papalapit ang Pasko. Pero muli, bago ang lahat ay safety dapat ang prayoridad natin. May kaunti mang pagluwag sa mga patakaran sa ating paligid, hindi tayo dapat magpakampante dahil iba pa rin ang nag-iingat. Gets mo?