ni Justine Daguno - @Life and Style | November 14, 2020
Grabe 2020!
Unang buwan pa lamang ng taong ito, kaliwa’t kanan na agad ang mga pasabog — literal na pagsabog ng Bulkang Taal, at iba pang natural disaster, away sa pulitika, at siyempre, ang pagdating ng COVID-19 na hindi lamang sa ating bansa lubos na nakaapekto, kundi sa buong mundo. Gayunman, hindi lamang bahay o materyal na bagay at kabuhayan ang maaaring mapinsala ng hindi magagandang pangyayari, bagkus ay maging tayo mismong indibidwal ay naapektuhan.
Kaya naman, narito ang ilang paraan na maaari nating gawin upang mabawasan o maiwasan ang trauma:
MAKIPAG-SOCIALIZE O HUMANAP NG SUPPORT GROUP. Ang pakikipag-usap sa iba o hindi pagsosolo ng problema ay pangunahing paraan para mapagtagumpayan ang mga negatibong epekto ng nakaka-traumang pangyayari. Maaaring humingi ng tulong o makipag-ugnayan sa mga local support groups sa inyong lungsod.
GUMAWA NG SCHEDULE. Sa pagdating ng mga hindi inaasahang pangyayari, ang nakasanayang gawain ay lubos din nitong naaapektuhan kung saan ang adjustment na ating ginagawa ay nakapagdudulot ng stress. Gayunman, puwedeng gumawa ng schedule at sikaping masunod ang mga ito kahit paunti-unti. Ayon sa research, malaking bagay ang pagkakaroon ng schedule, ang productivity at pagiging organize ay isa sa mga paraan upang mabawasan ang stress dahil nababawasan ang hassle.
MAG-SELF-CARE. Napakahalagang maglaan ng oras para sa sarili, ito ay importante sa ating emotional at physical health. Ang pag-aalaga ng katawan, isip, at espiritu ay maaaring dagdagan ang kakayahang makaya ang trauma. Siguraduhing kumain nang maayos, makakuha ng sapat na pagtulog at mag-ehersisyo.
MAGKAROON NG HEALTHY LIVING. Tulad ng paglalaan ng panahon sa sarili, sikapin ding magkaroon ng healthy living. Iwasang uminom ng alak at paninigarilyo, bawasan ang pagpupuyat at kumain ng masusustansiyang pagkain. Ang pagkakaroon ng healthy living ay tinatawag na ‘coping strategy’ ng mga eksperto sapagkat ito ay may long-term effect upang makontrol ang emotional distress.
Sa panahon ng sakuna, normal lamang ang magkaroon ng hindi magandang pakiramdam. Sa totoo lang, walang inaasahan sa mga nabanggit, pero sa ayaw natin at sa gusto, kailangan nating ma-survive ang mga ito. Kapit lang at lakasan ng loob ang kailangan, kayang-kaya ‘yan!