ni Justine Daguno - @Life and Style | December 10, 2020
Mas pinasikip na daloy ng trapiko, ‘yan ngayon ang struggle na kinahaharap ng maraming komyuter, lalo na ngayong Kapaskuhan. ‘Yung kahit sa city ka naman nakatira, ‘luwas’ feels talaga dahil inaabot ng siyam-siyam ang biyahe, makapunta lang sa opisina o makauwi sa bahay. Para sa mga kapwa natin komyuter d’yan na halos ‘second home’ na ang kalsada, narito ang ilang tips para sa ligtas na pagko-commute:
UMIWAS SA DISTRACTIONS. Number one rule kapag nagko-commute, dapat alerto at focus sa kalsada at sa kagamitan. ‘Wag magpakampante dahil maraming mapagsamantala sa paligid, lalo ngayong magpa-Pasko na nauuso na naman ang iba’t ibang modus. ‘Wag magpadala sa mga distractions, tulad ng mga nanghihingi ng barya, nangangaroling, nag-a-announce ng kung anu-ano at iba pa.
‘WAG MAGPAKALASING KUNG BIBIYAHE. Dahil kaliwa’t kanan ang ganap ngayong holiday season, paniguradong hindi maiiwasan ang mga happy-happy. Tandaan, wala pang bakuna kontra COVID-19 kaya dapat mag-ingat pa rin tayo. ‘Wag samantalahin ang mas maluwag na quarantine protocols para makapunta sa kung saan-saan. Iwasan din ang pagpapakalasing, lalo na kung magko-commute. Bukod sa target ‘yan ng mga kawatan, delikadong bumiyahe kapag wala sa huwisyo.
MAG-INGAT SA PAGTAWID. Mahirap ang buhay ng mga komyuter, bukod sa hassle talaga ang biyahe ay tawid dito, tawid doon ang peg natin dahil bihira ngayon ang diretsuhang ruta. Kaya naman, palaging mag-ingat, ‘wag basta tawid nang tawid sa kalsada, sundin at respetuhin ang mga traffic signage kahit pa pedestrian lamang tayo.
PALAGING MAGING HANDA. Bago umalis ng bahay, siguraduhing kumpleto ‘new normal kit’. I-check kung dala o nasa bag ang alcohol o hand sanitizer, face mask, face shield, gloves, tissue, ballpen, at iba pa. Hindi lamang kawatan ang kalaban sa pagko-commute, dahil ngayon ay meron na ring hindi nakikitang COVID-19, kaya’t ingat pa more.
Ngayong papalapit na nang papalapit ang Pasko. Mas tumitindi na ang pagbigat ng trapiko. Mas dumarami na rin ang mga lumalabas na tao kaya mas delikado sa banta ng COVID-19. ‘Ika nga, hindi na baleng praning o OA, ang mahalaga ay hindi tayo magsisisi sa huli. Stay safe, mga ka-BULGAR!