ni Mary Gutierrez Almirañez | April 5, 2021
Dalawang magkahiwalay na sunog ang tumupok sa residential area sa North Fairview, Quezon City at Pamplona Uno, Las Piñas City kaninang madaling-araw, Abril 5.
Ayon sa ulat, alas-dos nang madaling-araw nang magsimula ang apoy sa Barangay North Fairview, kung saan 18 bahay at 36 pamilya ang naapektuhan ng sunog na umabot sa ikalawang alarma.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Chief Inspector Joseph del Mundo, nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil sa makitid na daan kaya kinailangan nilang dumaan sa bubong. Aniya, electrical problem ang itinuturong pinagmulan ng sunog.
Samantala, mahigit P100,000 ang halaga ng mga napinsala.
Kaugnay nito, itinaas naman sa unang alarma ang sunog sa Las Piñas City kaninang 1:30 nang madaling-araw na nagsimula sa isang junkshop sa Burgos Street Barangay Pamplona Uno at idineklarang fire under control pasado 3:02 AM na umabot sa ikatlong alarma.
Ayon pa sa caretaker ng junkshop na si Ricardo Flores, natutulog siya’t ginising lamang ng anak nang maramdaman nitong nasusunog na ang unang palapag ng kanilang junkshop kung nasaan ang mga plastic bottles at iba pang kalakal na naging dahilan upang mabilis na kumalat ang apoy sa kalapit na apartment.
Tinatayang P100,000 ang halaga ng mga napinsala at halos 3 pamilya ang naapektuhan ng sunog.
Sa ngayon ay kasalukuyang nasa covered court ang mga nawalan ng tirahan.
Wala namang iniulat na namatay o nasugatan sa insidente.