TODO-REKLAMO PA, GUSTONG UNAHIN SILA
ni Julie Bonifacio - @Winner | May 26, 2021
Magkakasunod ang pinakawalang tweets ng aktres na si Angelica Panganiban sa kanyang Twitter account kahapon na panawagan para sa Red Cross Subic sa Olangapo City.
“Hello Red Cross Subic!! Isang oras na kami dito sa parking area n'yo. Nakaalis na din mga nakasabay namin. At inuna n'yo pa 'yung ibang bagong dating. Okay lang naman kung palakasan :) Tweet ko na lang,” panimulang post ni Angelica.
Hindi naman lingid sa marami na sa Subic based ang businessman non-showbiz boyfriend ni Angelica na si Gregg Homan.
Pinalagan ng mga netizens ang tweet ni Angelica.
“Sana Mam @angelica_114 iniisip n'yo muna po ano ang nangyayari BEHIND THE SCENES. Why do we need to prioritize other clients. At isa pa po, naging lenient po kami sa inyo na even though na 'di naka-sched 'yung BF n'yo ngayon, isiningit pa rin namin.”
Isa pang netizen ang nag-reply sa tweet ni Angelica na kabilang mismo sa mga frontliners ng Red Cross sa Subic. Ipinaliwanag niya kung bakit may mga nauna pa kay Angelica kahit mas maaga siyang dumating.
“Be grateful na lang sana na nai-swab 'yung kasama mo Ma’am without queueing at maramdaman 'yung init sa tent while waiting for their turn. May appointment lahat ng nagpa-swab today, and hopefully, kayo rin para valid ‘tong rant mo Ma’am.”
Pinagsabihan pa nito si Angelica na next time ay maaga siyang pumunta, make sure na may appointment and better na pumila para malaman niya na hindi lang daw siya ang client ng Red Cross Subic.
Ipinost din ng netizen/frontliner ang isang piktyur nila ni Angelica kung saan nasa bandang likuran niya ang aktres habang nakasakay sa loob ng sasakyan.
“Photo taken before pa. Ginamit ko lang para alam din ng iba na you’re too privilege to rant about our service,” may pagka-sarkastikong sabi pa ng netizen na frontliner.
Pero hindi rin nagpakabog si Angelica sa netizen na frontliner.
“Taray ng Red Cross dito sa Subic. 'Di sila namamansin :),” tweet ni Angelica.
Ni-retweet ng netizen ang tweet ni Angelica sabay lagay ng caption na ganito: “Swabber/Frontliner lang po kami Ma’am. May kailangan po ng service namin, not just you. Hindi po kami artista na need pansinin 'yung mga taong privilege masyado. Lalo na 'yung nakahiga lang naman sa kotse n'ya while sinu-swab 'yung kasama niya.”
Inalmahan ulit ni Angelica ang message ng netizen/frontliner by posting another tweet.
“Nu'ng huling beses ako nagpa-swab sa Red Cross, muntik akong mabaliw. Nagpadala sila ng e-mail na positive ako sa COVID. Pero 'yung attachment result, negative ako. Ginawa nila 'yun sa buong Olongapo, guys. Nag-sorry naman sila after 12 hours.”
After this, wala na kaming nabasang reply o reaksiyon mula sa netizen na frontliner.