ni Lolet Abania | April 26, 2021
Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ngayong Lunes ang pag-iikot ng tatlong mobile clinic na layong mabakunahan kontra-COVID-19 ang mga residente.
Ang mobile vaccination clinic ay inilunsad para sa mga residente ng lungsod na hindi marunong gumamit ng gadget at makapag-online booking ng pagbabakuna, mga senior citizens, at persons with disability (PWD).
Mayroong lifter ang isa sa mga bus upang mabuhat ang mga PWD na kanilang tuturukan ng vaccine. Isa sa mga nabakunahan kontra-COVID-19 ay street sweeper na nagsabing maayos ang pagbabakuna sa kanya at bumilib nang husto sa ganda ng mobile clinic.
Nagpabakuna rin ang isang stroke survivor na matagal nang gustong magpabakuna subalit hindi nito alam ang vaccination site.
Ginagawa ng lokal na pamahalaan ng QC ang lahat ng paraan upang maihatid ang COVID-19 vaccines sa mga residente at mabigyang proteksiyon laban sa nasabing sakit.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, kabilang din sa programa ng lungsod ang pagtatag ng vaccination sites sa mga community centers at elementary schools.
Maaari rin umanong magpunta sa mga malls at simbahan sa lungsod para maturukan kontra coronavirus.
Sinabi rin ni Belmonte na nagsasagawa sila ng house-to-house vaccination para naman sa mga bedridden na residente.