ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 22, 2020
Nagtalaga ng bagong local police chief ang mayor ng Bato, Catanduanes matapos sibakin sa puwesto ang dating hepe dahil sa kontrobersiyal nitong komento sa insidente ng pamamaril at pagpatay ng isang pulis sa mag-ina sa Tarlac.
Si PLt. Fidel Romero Jr. ang itinalagang bagong chief of police ni Mayor Juan Rodulfo ngayong Martes. Ayon kay Rodulfo, hindi niya nagustuhan ang naging reaksiyon ng dating hepe ng pulisya ng naturang lugar na si Police Capt. Ariel Buraga sa pagpatay ni Police Senior Master Sergeant. Jonel Nuezca sa mag-inang kapitbahay nito na sina Sonya at Frank Gregorio.
Nag-viral din sa social media ang ngayo’y deleted nang Facebook post ni Buraga na (posted as is): “My Father is a Policeeeee Mannnnn ha!!! I don’t care eh eh eh eh eh err!!! P@#Yng ina mo gusto mo tapusin na kita ngayon???? Bang Bang Bang Bang.. Lesson Learn kahit puti na ang buhok o ubanin na tayo eh matuto tayo rumispeto sa ating mga Kapulisan.. mahirap kalaban ang Pagtitimpi at pagpapasensya.. “RIP Nanay and Totoy..”
Pahayag ni Rodulfo, “Sa post niya… parang dinedepensa pa niya dahil sa walang respeto kaya puwedeng gawin ‘yun… Dahil grabe, brutal po ‘yong pagpatay sa mag-ina, diretso na po ako, pumasok po sa isip ko na itong tao na ito (Buraga) ay mapanganib po para sa aming mga mamamayan sa aming bayan.”
Kinausap din umano ni Rodulfo si Buraga at aniya, “Ipinaliwanag niya po na ‘yung kanyang post na ‘yun, ano lang po ‘yun, dahil sa hindi pagrespeto ng mag-ina na ‘yun sa pulis, kaya nagawa ‘yung krimen. 'Yun po ‘yung paulit-ulit niyang sinabi, na hindi niya ginusto na pumatay ‘yung ano, pero ‘yong respeto, 'yun daw ‘yung dapat.
“Sabi ko nga sa kanya, may kasalanan o walang kasalanan, hindi mo puwedeng patayin, sa ganyang sitwasyon, ilagay mo sa kamay ‘yong batas. ‘Yan po ‘yung sinabi ko sa kanya.”