ni Jasmin Joy Evangelista | December 3, 2021
Umani ng iba’t ibang espekulasyon ang pagkamatay ni Jonel Nuezca, ang pulis na nakulong sa Bilibid matapos nitong barilin at mapatay ang mag-inang kapitbahay niya sa Tarlac noong isang taon.
Ayon sa Bureau of Corrections, namatay si Nuezca noong Martes sa hindi pa malamang dahilan.
Pero ang ilang kaanak ng mga pinaslang ni Nuezca, may pagdududa sa nasabing pangyayari.
“Kahit po sabihin na may picture at nabalita na sa TV, ang reaction ko po, kahit si papa, hindi po naniniwala... Puwedeng palabas lang 'yan, palabasin na siya 'yung bangkay pero ibang bangkay. Maraming pumapasok sa isip ko. Nagdududa lang talaga ako sa pagkamatay niya. Pulis po siya. Maraming paraan para makalaya siya," ani Mark Gregorio, anak at kapatid ng mga pinaslang ni Nuezca.
Sa social media, naglabas din ng kuro-kuro ang netizens hinggil sa paglabas ng nasabing balita. Marami ang naghahanap ng bangkay ni Nuezca habang ang iba naman ay naghihintay ng sagot mula sa BuCor dahil anila, kahina-hinala ang biglaang pagkamatay ng tinaguriang killer cop.
Kabilang sa mga tinitingnan na dahilan ng pagkamatay ni Nuezca ang cardiac arrest at heart attack lalo't bigla na lang daw itong bumulagta.
Hinihintay pa ng Department of Justice ang ulat mula sa BuCor para malaman kung ano nga ba talaga ang nangyari kay Nuezca.