ni Mary Gutierrez Almirañez | May 09, 2021
Nakahanda nang magpaturok kontra-COVID-19 si Vice-President Leni Robredo gamit ang bakunang may emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA), batay sa naging pahayag niya sa kanyang weekly radio program.
Aniya, “'Pag hindi natin tangkilikin ‘yung may EUA, parang walang saysay tuloy ang FDA. Kaya tayo may regulatory agencies kasi sila ang experts. Sila ang may capacity na mag-assess, may obligasyon na siguruhin ang makakapasok sa bansa ay dumaan sa rigorous na assessment."
Matatandaan namang nagpabakuna kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang Sinopharm ng China, kahit na hindi pa iyon nagagawaran ng EUA.
Pagpaparinig pa ni VP Robredo, "Kung public official ako, nagpaturok ako, tapos ipinahayag ko in public, in a way ipino-promote mo ‘yung klase ng bakunang itinurok sa 'yo. Tapos, kung ang ipino-promote mo, walang EUA, mahirap ‘yun kasi parang mockery ‘yun ng existing regulatory agencies natin."
Sa ngayon, ang mga bakunang may EUA pa lamang ay ang Pfizer, AstraZeneca, Sputnik V, Sinovac, Johnson & Johnson, Bharat Biotech at Moderna.
Nilinaw pa ni VP Robredo na hinihintay na lamang niya ang kanyang ‘turn’ upang mabakunahan sa hanay ng mga may comorbidity.
"Alam ko naman na puwede na akong magpabakuna. Pero gusto ko lang siguruhin na wala akong maagawan na iba na dapat mas nauna sa 'kin," dagdag niya.