top of page
Search

ni Angela Fernando @World News | Nov. 27, 2024



Sa larawang ito sa Tel Aviv, ay makikita sina US President Joe Biden (kaliwa) at Prime Minister Benjamin Netanyahu. (October 18, 2023) File Photo: Haim Zach / GPO


Magkakabisa ngayong Miyerkules ang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at ng Iran-backed Hezbollah matapos tanggapin ng magkabilang panig ang kasunduan na binuo ng United States (US) at France, ayon kay Pangulong Joe Biden.


Naglalayon ang kasunduang ito na tapusin ang labanan sa pagitan ng Israel at Lebanon na kumitil ng libu-libong buhay simula nang pumutok ang Gaza war nu'ng nakaraang taon.


Ipinaalam ni Biden na nagbigay ng pag-apruba ang security cabinet ng Israel sa kasunduan sa botong 10-1.


"This is designed to be a permanent cessation of hostilities," saad ni Biden.


Samantala, sa kanyang pahayag mula sa White House, sinabi niyang nakipag-usap siya kay Punong Ministro Benjamin Netanyahu ng Israel at pansamantalang Prime Minister Najib Mikati ng Lebanon.


Nakatakdang magwakas ang labanan sa ganap na alas-4 ng umaga (0200 GMT).

 
 

ni Eli San Miguel @Overseas News | July 22, 2024




News

Bumitiw na si Pangulong Joe Biden ng United States sa pagtakbo sa eleksyong 2024 matapos ang mapaminsalang debate kay Donald Trump, na nagdulot ng alalahanin sa kanyang kakayahan bilang pangulo.


Inanunsiyo nitong Linggo ang kanyang desisyon, na sumunod sa tensyon mula sa mga Democratic na kaalyado na hinimok siyang umatras dahil sa kanyang naging sitwasyon sa debate noong Hunyo 27, kung saan nahirapan siyang tablahin ang mga pahayag ng kanyang oposisyon na si Donald Trump.


Pinaplano ni Biden na tapusin ang natitirang bahagi ng kanyang termino sa opisina, na magtatapos sa Enero 20, 2025 (ET). "It has been the greatest honor of my life to serve as your President. And while it has been my intention to seek reelection, I believe it is in the best interest of my party and the country for me to stand down and to focus solely on fulfilling my duties as President for the remainder of my term," saad ni Biden sa isang liham na ipinost sa kanyang X account. Pinatunayan naman ng White House na lehitimo ang liham.

 
 

ni Angela Fernando @News | June 1, 2024


Inihayag ni Pangulong Joe Biden ang kanyang tinawag na “tatlong-yugtong” panukala ng Israel para sa tigil-putukan sa Gaza kapalit ng pagpapalaya ng mga bihag na Israeli.


Iginiit niya ring panahon na para wakasan ang nangyayaring digmaan at umani ito ng positibong reaksyon mula sa Hamas.


Sinabing ang unang yugto o parte ay ang anim na linggong tigil-putukan kung saan ihihinto ng mga pwersang Israeli ang pag-atake sa lahat ng populadong lugar ng Gaza.


Ilang bihag, kabilang ang mga matatanda at kababaihan, ang palalayain kapalit ng daan-daang bilanggong Palestino. Ang mga sibilyang Palestino ay maaaring bumalik sa kanilang mga tahanan sa Gaza at 600 na mga truck kada araw ang magdadala ng tulong sa enclave.


Sa ikalawang yugto, sinabi ni Biden na magkakaroon ng palitan para sa lahat ng natitirang buhay na bihag, kabilang ang mga lalaking sundalo.


Dito aatras ang mga pwersang Israeli mula sa Gaza at magsisimula ang permanenteng tigil-putukan.


Ang ikatlong yugto ay maglalaman ng isang malaking plano para sa muling pagtatayo ng Gaza at ang pagbabalik ng natitirang labi ng mga bihag sa kanilang mga pamilya.


Sinabi ni Biden na natanggap ng Hamas ang panukala mula sa Qatar, at naglabas ng positibong pahayag ang Hamas.


Handa na rin ang Hamas na makipag-ugnayan nang maayos sa anumang panukala patungkol sa permanenteng tigil-putukan, paghinto ng mga Israeli sa pag-atake, muling pagtatayo ng Gaza, pagbabalik ng mga lumikas, at tunay na kasunduan sa pagpapalitan ng mga bihag kung malinaw na ipapahayag ng Israel na sila ay susunod sa nasabing kasunduan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page